CAINTA, RIZAL — Nagbukas ang lokal na pamahalaan ng Cainta ng magkakaugnay na gate sa mga subdivision upang mabawasan ang dami ng sasakyang dumaraan sa mga pangunahing lansangan at makatulong sa paglutas ng matinding problema sa trapiko sa bayan.
Ayon kay Mayor Keith Nieto, layunin ng proyekto na mabigyan ng alternatibong ruta ang mga motorista upang hindi na kailangang dumaan sa mga pangunahing kalsada gaya ng Marcos Highway, Felix Avenue at Ortigas Avenue.
Sinimulan ni Nieto ang proyekto sa kaniyang sariling lugar sa pamamagitan ng paggawa ng kalsadang nag-uugnay sa Filinvest at Vista Verde at pagbubukas nito bilang border gate.
Kasunod nito, hinikayat niya ang mga opisyal ng homeowners association (HOA) ng Vista Verde na magbukas din ng gate na mag-uugnay sa kanilang subdivision at Green Park.
Dahil dito, maaari nang bumiyahe ang mga motorista mula Filinvest patungong Sta. Lucia Mall nang hindi dumaraan sa Marcos Highway o Felix Avenue. Maging ang mga maghahatid ng estudyante sa Assumption ay maaari nang gumamit ng alternatibong ruta sa pamamagitan ng gate sa pagitan ng Vista Verde at Filinvest.
Pinalawak pa ang proyekto nang buksan ang koneksiyon ng Vista Verde at Village East. Sa pamamagitan nito, maaari nang makarating sa SM Masinag mula Village East sa pamamagitan ng mga kalsada sa loob ng mga subdivision, nang hindi dumaraan sa Felix Avenue.
Noong Sabado ng umaga, binuksan din ang interconnecting gate sa pagitan ng Country Homes at Park Place na nag-uugnay sa Brookside. Dahil dito, maaari nang makarating sa SM Hypermarket sa Felix Avenue nang hindi na kailangang dumaan sa Junction.
Ayon kay Nieto, umabot na sa pitong subdivision ang nakikinabang sa naturang proyekto na tinawag niyang Friendship Gates Project at balak pa niyang palawakin ito sa mas maraming komunidad.
Gayunman, binigyang-diin ng alkalde na kailangang mapangalagaan din ang seguridad ng bawat subdivision. Kaya hinimok niya ang mga gagamit ng mga pribadong kalsada na kumuha ng kaukulang village sticker ng mga subdivision na kanilang daraanan upang matiyak ang maayos na pagkontrol at seguridad.
Ipinaliwanag ni Nieto na ang proyekto ay nagbibigay lamang ng karagdagang opsiyon sa mga motorista na nais umiwas sa mabigat na daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan.
Inihalintulad niya ito sa paggamit ng Skyway—hindi sapilitan ang paggamit nito, ngunit nagsisilbi itong alternatibong ruta na maaaring makatulong upang mas mabilis na makarating sa pupuntahan.