CAINTA, RIZAL — Pinalalawak ng lokal na pamahalaan ng Cainta ang mga programang naglalayong mapagaan ang daloy ng trapiko at mapalapit sa mga residente, kasabay ng paghahanda para sa nalalapit na kapistahan ng bayan at pagdiriwang ng Pasko.
Ayon kay Mayor Keith Nieto, pitong subdivision na ang nakikinabang sa tinaguriang Friendship Gates Project, na nag-uugnay sa mga pribadong pamayanan upang magkaroon ng alternatibong ruta ang mga motorista at mabawasan ang mga sasakyang dumaraan sa Marcos Highway, Felix Avenue at Ortigas Avenue.
Sinimulan ang proyekto sa pagbubukas ng koneksiyon ng Filinvest at Vista Verde, na sinundan ng mga gate na nag-uugnay sa Vista Verde, Green Park at Village East.
Binuksan din ang magkakaugnay na gate ng Country Homes at Park Place na nag-uugnay naman sa Brookside.
Dahil dito, maaari nang makarating ang mga motorista sa ilang lugar gaya ng Sta. Lucia Mall, SM Masinag at SM Hypermarket nang hindi na kailangang dumaan sa mga pangunahing lansangan at sa Junction.
Tiniyak ni Nieto na palalawakin pa ang proyekto upang mas maraming residente at motorista ang makinabang. Gayunman, hinimok niya ang mga gagamit ng mga pribadong kalsada na kumuha ng village sticker ng mga subdivision na kanilang daraanan upang mapanatili ang seguridad at maayos na pagkontrol sa mga sasakyan.
Samantala, tuloy-tuloy na rin ang paghahanda ng pamahalaang bayan para sa nalalapit na kapistahan ng Cainta na inaasahang gaganapin sa susunod na dalawang linggo, bago ang pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Sa panayam ng PaMaMaRiSan-Rizal Press Corps, sinabi ni Nieto na magiging simple man ang mga pagdiriwang ngayong taon, iikot pa rin sila sa iba’t ibang bahagi ng bayan upang personal na makisalamuha sa mga residente at maibahagi ang saya ng okasyon.
Ipinaliwanag ng alkalde na matagal nang tradisyon ng lokal na pamahalaan ang pakikiisa at pakikisalamuha sa mga mamamayan tuwing pista at Pasko.
Ayon kay Nieto, maaaring magkaroon man ng maliliit na pagbabago sa mga aktibidad, mananatili ang pangunahing layunin ng mga ito—ang makapaglaan ng panahon upang makasama at makabonding ang mga taga-Cainta sa panahon ng kapistahan at Kapaskuhan.