ACPSSI: PILIPINAS, HUWAG MAGPAIWAN SA BAGONG PUWESTUHAN NG MGA BANSA SA MUNDO

49fcc7f2-a91f-484d-afdb-d616e05140e8.jfif

PASIG CITY — Hinimok ng Asian Century Philippines Strategic Studies Institute (ACPSSI) ang Pilipinas na pangalagaan ang ugnayang pang-ekonomiya at diplomatiko nito sa China at Estados Unidos sa gitna ng nagbabagong balanse ng kapangyarihan sa mundo.

Sa Media Forum nitong Biyernes (Nobyembre 27), sinabi ni ACPSSI President Herman “Ka Mentong” T. Laurel na pumapasok na ang mundo sa isang multipolar na kaayusan, kung saan lumalawak ang impluwensiya ng iba’t ibang bansa, partikular ang China sa larangan ng kalakalan at pamumuhunan.

Ayon kay Laurel, hindi lamang puwersang militar ang ginagamit ng China sa pagpapalawak ng impluwensiya nito kundi pati ang lakas ng ekonomiya. Binanggit din niya ang pagbabago sa estratehiyang militar ng Estados Unidos sa Asia at ang pahayag ni Chinese President Xi Jinping na hindi dapat kailanman pag-umpisahan ang digmaang nuklear.

Itinampok din niya ang lungsod ng Shenzhen bilang halimbawa ng mabilis na pag-unlad ng China, gayundin ang potensiyal ng solar energy at iba pang teknolohiya nito para sa Pilipinas.

Sa larangan ng kalakalan, binanggit ni Laurel ang paglago ng exports ng Pilipinas sa China at Hong Kong, na ayon sa kanyang datos ay umabot sa US$5.21 bilyon at US$7.11 bilyon.

Binigyang-diin din niya ang pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) noong Nobyembre 9 na ang Pangulo ang pangunahing tagapagbalangkas ng patakarang panlabas ng bansa at hindi dapat magkanya-kanyang magtakda nito ang mga opisyal at ahensiya ng pamahalaan.

Kaugnay nito, itinampok niya ang P41.1 bilyong potensiyal na pamumuhunan mula sa China na inanunsiyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kabilang ang planong pagtatayo ng C&U Group ng bearing manufacturing hub sa Batangas.

ad61c51f-68ea-4b00-9843-b8ce3308b535.jfif

Samantala, inilahad ni ACPSSI moderator Daniel Long ang kasunduang nilagdaan noong Nobyembre 13 ng Bangko Sentral ng Pilipinas at mga sentral na bangko ng Indonesia, Malaysia at Thailand upang mabawasan ang pagdepende sa dayuhang salapi sa mga transaksiyon.

Binanggit din niya ang investment pledges mula sa China kasunod ng pagdalo ni Marcos sa APEC Summit, gayundin ang mga benepisyong nakukuha ng sektor ng agrikultura sa ugnayang pangkalakalan ng dalawang bansa.

Para naman kay ACPSSI Vice President for Internal Affairs Ado Paglinawan, na lumahok sa pamamagitan ng Zoom, kailangang ayusin muna ng Pilipinas ang mga suliranin sa loob ng bansa at palakasin ang pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang bansa upang hindi maging labis ang pagdepende sa iisang kaalyado.

Tinalakay rin niya ang mga usapin sa pag-angkin ng Pilipinas sa mga teritoryo nito, partikular ang Presidential Decree No. 1596 at Republic Act No. 9522 o Philippine Archipelagic Baselines Law.

Iminungkahi ni Paglinawan na magpasa ang Kongreso ng bagong batas hinggil sa mga usaping ito at binanggit ang hakbang ni Senador Rodante Marcoleta kaugnay ng panukala.

Sa kabuuan, iginiit ng ACPSSI na dapat isaalang-alang ng Pilipinas ang mga pagbabago sa pandaigdigang kalakalan, seguridad at diplomasya habang pinangangalagaan ang sariling pambansang interes.

76b03301-421f-41d5-9dff-4bdbf72d95df.jfif

Facebook Comments