Hinirang na bagong Acting Executive Director ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development si Dr. Reynaldo V. Ebora kamakailan matapos makapanumpa kay Secretary Mario G. Montejo ng Department of Science and Technology.

Bilang pinakamataas na opisyal ng PCAARRD, pamumunuan ni Dr. Ebora ang Philippine National Agriculture and Resources Research System.

Partikular sa mga gawaing gagampanan ni Dr. Ebora ang pagbalangkas ng mga programa sa larangan ng pagsasaliksik at pagpapaunlad sa agrikultura, pangingisda, at likas na yaman ng bansa.

Bilang dating Deputy Director ng National Institute of Molecular Biology and Biotechnology (BIOTECH-UPLB) noong 1996, Acting Director nito mula 1999 hanggang 2000, at Director noong 2010-2015, naging mahalaga ang papel na ginampanan ni Dr. Ebora sa komersiyalisasyon at paglilipat ng teknolohiya ng mga produkto ng nasabing ahensiya.

Kabilang sa mga produktong ito ang biofertilizer gaya ng Bio N TM na malawakang ginagamit ng Department of Agriculture sa programa nito sa organikong pagsasaka at ang Mykovam TM na ginagamit naman ng Department of Environment and Natural Resources sa National Greening Program ng ahensiya.

Bago nahirang na Acting Executive Director ng PCAARRD, si Dr. Ebora ay nagsilbi rin bilang Executive Director ng Philippine Council for Advanced Science and Technology Research and Development (PCASTRD) ng Department of Science and Technology mula 2005 hanggang 2010.

Kabilang si Dr. Ebora sa grupo ng mga mananaliksik sa BIOTECH-UPLB na nakagawa ng ilang mahahalagang teknolohiya na nabigyan ng kaukulang intellectual property right protection gaya ng patent at trademark. Kabilang dito ang E. coli DAS kit at Salmonella DAS kit para sa pagtukoy ng E. coli at Salmonella sa pagkain, tubig, beverage, at pakain sa hayop.

Nakapaglahad din si Dr. Ebora ng mahigit sa 100 scientific at technical papers na may kinalaman sa biotechnology,biosafety at intellectual property management. Karamihan dito ay nalathala sa mga scientific journals at mga aklat.

Si Dr. Ebora ay miyembro ng technical working group para sa kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at ng United States of America sa larangan ng scientific at technological cooperation partikular sa biotechnology, agriculture at food securitymula noong 2014.

Nagsilbi rin si Dr. Ebora bilang tagapamuno ng Science and Technology Coordinating Council-Committee on Space Technology Applications (STCC-COSTA) and Inter-Agency Committee mula 2007 hanggang 2010.

Kabilang sa mga mahahalagang karangalan na nakamit ni Dr. Ebora ay ang mga sumusunod: Outstanding Science Administrator Award (Dioscoro Umali Medal) na iginawad ng National Academy of Science and Technology at ng Department of Science and Technology (DOST) noong 2014 at ang Outstanding Technology Commercialization Award(Gregorio Y. Zara Medal) na iginawad noong National Science and Technology Week, taong 2013.

Natanggap din ni Dr. Ebora ang University of the Philippines President’s Awards for Academic Distinction (International Publication Award) noong 2003 at ang distinguished Alumni Award for Plant Biotechnology and Genetic Engineering mula sa UPLB College of Agriculture Alumni Association (UPLB-CAAA).

Si Dr. Ebora ay nagtapos ng kanyang BS Agriculture degree major in Entomology sa University of the Philippines Los Baños. Tinapos rin niya ang kanyang Master’s Degree sa Entomology sa nasabing unibersidad. Kinompleto niya ang kanyang PhD sa larangan ng Entomology sa Michigan State University, sa East Lansing, Michigan, USA. Tinapos din ni Dr. Ebora ang kanyang International Post Graduate University Course in Microbiology sa Osaka University sa Osaka, Japan at ang kanyang post-graduate studies as Visiting Fellow on Intellectual Property Management/Technology Transfer sa ISAAA AmeriCenter/ Dept. of Plant Breeding Cornell University sa Ithaca, New York, USA. by Ricardo R. Argana and Rose Anne K. Mananghaya, DOST-PCAARRD Media ServiceThru Estrella Gallardo,(PSCiJournMegamanila)