MANDALUYONG CITY — Pinangunahan ni Mayor Carmelita “Menchie” Abalos noong Miyerkules (Mayo 6) ang sabayang pamamahagi ng tig-10 kilong bigas sa 27 barangay ng lungsod para sa mga senior citizen na edad 65 hanggang 79, kasama ang mga driver ng jeep at tricycle. Isinagawa ang unang tranche ng distribusyon sa evacuation center sa Acacia Lane Extension, Barangay Addition Hills, Mandaluyong City.
Bahagi ito ng programa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na “Sa Bagong Pilipinas, Bawat Bayan Makikinabang, Walang Maiiwan.”
Tumulong sa pamamahagi sina Vice Mayor Anthony “Tony” Suva at Barangay Captain Carlito Sernal ng Addition Hills.
Ayon kay Mayor Abalos, prayoridad sa programa ang mga tricycle at jeepney driver, gayundin ang mga senior citizen, dahil sila ang higit na naaapektuhan ng pagtaas ng presyo ng langis dulot ng krisis sa Middle East.
Ipinaliwanag din niya na apat na tranche ang pamamahagi ngayong taon—Mayo 6, Hulyo, Setyembre, at Nobyembre.
Sinabi pa ng alkalde na patuloy nang nakatatanggap ng benepisyo mula sa lungsod ang mga senior citizen na 80 taong gulang pataas. Tinatayang mahigit 19,000 ang bilang ng mga senior citizen (65–79) at mahigit 6,000 naman ang mga driver, o kabuuang 25,980 benepisyaryo.
Hinimok ni Abalos ang mga barangay captain na ihatid “house-to-house” ang bigas sa mga senior citizen, lalo na sa mga hirap magbuhat ng sampung kilo.
Para naman sa mga driver, hindi na kailangang pumila. Maaari nilang kunin ang kanilang 10 kilong bigas sa barangay hall habang nagpapatuloy sa kanilang biyahe.
Mahigit 25,000 sako ng bigas na tig-10 kilo ang ipamamahagi nang sabay-sabay sa lahat ng 27 barangay sa lungsod, bilang bahagi ng tuloy-tuloy na ayuda ng lokal na pamahalaan sa mga sektor na higit na nangangailangan. Layunin ng programang ito na mabawasan ang pasanin ng mga benepisyaryo sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at matiyak na walang maiiwan sa mga serbisyong panlipunan ng lungsod.
