LCUP Vox Consolacion Nagbigay-Pugay sa mga Manggagawa sa Unang Episode

Bilang pagkilala sa pagbabahagi ng kanyang karanasan, binigyan si Edgardo Lagrosa (gitna) ng pagkilala mula sa mga student-anchors ng programang Vox Consolacion na sina Angela Kim Perez (kaliwa) at Carl Angelo Bugayong (kanan). (Imahe: Sandara Larang)

Inilunsad sa unang episode ng LCUP Vox Consolacion sa Radyo Veritas 846 Campus Hour Season 13, bilang pagkilala sa Araw ng mga Manggagawa, ang maikling pelikulang panradyo na pinamagatang “Sulyap sa Bukas,” na tampok ang kuwento ni Emman, isang delivery rider at engineering student na nagsusumikap makamit ang kanyang pangarap sa kabila ng matinding pagod at puyat.

 

Sa isang eksklusibong panayam noong Sabado, Mayo 2, 2026, ibinahagi ni Edgardo Lagrosa, isang nursing student at part-time delivery rider, na ang kanyang karanasan ay kahalintulad ng buhay na ipinakita sa nasabing pelikula. Ayon sa kanya, nagsisilbing inspirasyon ang ganitong mga kuwento sa mga kabataang patuloy na nagsisikap para sa kanilang kinabukasan.

Bilang isang irregular student na madalas dumanas ng paghinto sa pag-aaral dahil sa kakulangang pinansyal, ipinaliwanag ni Lagrosa na ang pagtatrabaho ay hindi lamang opsyon kundi pangangailangan upang makatulong sa mga magulang at matustusan ang mahal na gastusin sa kolehiyo. 

 

“Relate na relate ako, parang kwento ko kasi ‘yun,” ani Lagrosa habang inilalarawan ang hirap ng pagpapasada sa ilalim ng matinding sikat ng araw bago pumasok sa klase. 

Ibinahagi rin niya ang bigat ng pagpapasya kung itutuloy pa ba ang pangarap o magtatrabaho na lamang nang buo dahil sa pangangailangan ng extra income. Sa huli, pinili niyang magpatuloy, dala ang aral na hindi dapat iwanan ang akademiko sa kabila ng trabaho. 

 

Binigyang-diin din ni Kapanalig Ed na ang panalangin ang kanyang pinakamabisang sandata. Ayon sa kanya, ang espirituwal na kapaligiran ng La Consolacion University Philippines ang naging sandalan niya upang lumakas ang kanyang isip at pangangatawan. 

“Huwag natin kakalimutan talaga na ang powerful na sandata natin ay magdasal. Upang matulungan tayo, always—ginaguide tayo ng ating Panginoon,” paalala ni Lagrosa.

 

Kinilala rin niya ang mahalagang papel ng kanyang mga guro at kaklase na nagsisilbing gabay sa tuwing nahihirapan siya sa daloy ng mga aralin dahil sa kanyang schedule sa trabaho. Ang suportang ito ay nagpapaalala na ang paghahanda sa mga hamon ng buhay ay nangangailangan ng matatag na ugnayan at tamang mindset. 

Ang paglalakbay ni Lagrosa at ng libu-libong working students ay isang patunay na sa kabila ng tila walang katapusang pagod at puyat, ang butil ng pawis ay nagsisilbing puhunan para sa isang mas maliwanag na kinabukasan. (Ma. Alexis C. Musa)

Facebook Comments