Mayor Maan, Hinikayat ang Kabataang Naghahanap ng Trabaho na Ipagpatuloy ang Pag-aaral

Sa paggunita ng Araw ng Paggawa, pinaalalahanan ni Marikina City Mayor Marjorie Ann “Maan” Teodoro ang mga kabataang jobseekers na pagsabayin ang trabaho at pag-aaral.

 

Sa Labor Day job fair noong Mayo 1, sinabi ng alkalde na marami sa mga “hired-on-the-spot” ay mga Senior High School (SHS) graduates, kabilang ang unang natanggap na aplikante mula sa Jesus Dela Peña National High School.

 

“Sa ating mga hired-on-the-spot, congratulations. Marami sa inyo ay SHS graduates. Lagi kong sinasabi—mag-kolehiyo kayo. Hindi dapat natatapos ang pagkatuto kapag may trabaho na,” ani Mayor Maan.

 

Binigyang-diin ng alkalde, na dating guro, ang kahalagahan ng patuloy na pag-aaral upang mapalawak ang kaalaman at kakayahan ng kabataan para sa mas magandang oportunidad sa trabaho.

 

Dagdag pa niya, itinayo ang Pamantasan ng Lungsod ng Marikina (PLMAR) upang magbigay ng libreng edukasyon sa kolehiyo.

 

Ang job fair ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng Marikina, Department of Labor and Employment (DOLE), at SM Supermalls, na dinaluhan ng 45 kumpanyang mula sa pampubliko at pribadong sektor, kasama ang isang one-stop shop para sa serbisyong gobyerno.

Nagpasalamat naman ang DOLE sa mga katuwang na opisyal, kabilang si Mayor Maan at Marikina First District Rep. Marcy Teodoro, sa matagumpay na pagsasagawa ng aktibidad.

 

Bahagi ito ng 18 job fair sites sa National Capital Region (NCR) para sa Araw ng Paggawa na may temang “Disenteng Trabaho Para sa Lahat.”

 

Inaasahang mahigit 1,000 aplikante ang makikinabang sa naturang job fair.

Facebook Comments