May kasabihan na ang sipag sa agrikultura ay may kaakibat na pag-unlad sa bansa, kaya naman ito ang nagging inspirasyon ng Department of Science and Technology sa pamamagitan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) sa mga exhibit nito sa gaganaping 2015 National Science and Technology Week (NSTW).

Sa temang “Strategic Industry Program for Agricultural Growth (SIPAG) ni Juan”, ang mga produktong agri-aqua-natural resources na pinaunlad sa pamamagitan ng agham at teknolohiya ang bibida sa exhibit para sa sektor ng agrikultura.

Tampok sa exhibit ang mga sumusunod na produkto gaya ng saging, alimango, abaca, kambing at ang plant growth promoter.

Sa isang press conference na ginanap kamakailan sa Sulu Hotel, Lungsod ng Quezon, inihayag ni Dr. Alumanda dela Rosa, director ng DOST-Philippine Nuclear Research Institute ang iba’t ibang sangkap ng plant growth promoter na dinibelop ng DOST gaya ng paggamit ng radition-modifiedoloigo-kappa-carrageenan na isang uri ng seaweed at ang oligo-chitosan na nagmula naman sa shell ng alimango at hipon. Ang plant growth promoter ay ginagamit upang maging maayos ang tubo ng halaman at mabigyan ng sapat na sustansya ang bunga nito. Ito ay ginagamit din upang maging pest-resistant ang mga pananim nang sa gayon ay mapaunlad ang produksyon ng mga pananim.

Samantala, ipinaliwanag naman ni Professor Ruby Hechanova ng Sultan Kudarat State University ang kontribusyon ng agham sa industriya ng Halal goat. Ayon sa kanya, sa pamamagitan ng agham ay masisiguro na ayon sa pamantayan ng Halal ang mga produktong karne lalo na ng kambing ang mabibili sa merkado.

Naging susi rin ang agham at teknolohiya upang maresulba ang pangunahing suliraning kinakaharap ng industriya ng Abaca sa Pilipinas. Sa pangunguna ng DOST-PCAARRD at UPLB-Institute of Plant Breeding, Crop Science Cluster ay nabigyang solusyon ang pagtamlay ng industriya ng abaca sa bansa dahil na rin sa problemang peste noong nagdaang taon. Ito ay nagresulta sa muling paglago ng industriya at ang pagtataguyod ng iba’t ibang uri ng abaca na pakikinabangan ng mga magsasaka.

Samantala, ipapakita rin ang pinakahuling pag-aaral tungkol sa Benham Rise na kamakailan lamang ay idineklara bilang bahagi ng Philippine Extended Continental Shelf at kasalukuyang sumasailalim sa pag-aaral upang tuklasin ang mga yamang matatagpuan sa nasabing teritoryo.

Kabilang din sa mga dumalo sa nasabing pagpupulong ay sina Dr. Lavernee Gueco ng UPLB- Institute of Plant Breeding, Dr. Fe Dolores Estepa ng Southeast Asian Fisheries Department at Dr. Cesar Villanoy ng UP Diliman- Marine Science Institute.

Para sa mga karagdagang impormasyon hinggil sa mga nabanggit na teknolohiya at pag-aaral, maaaring dumalo sa 2015 NSTW sa 24-28 Hulyo, sa SMX Convention Center, SM MOA, Lungsod ng Pasay. Ito po ay bukas sa publiko. Pumunta sa www.nstw.dost.gov.ph at www.science.ph upang malaman ang iba pang detalye ukol sa NSTW. (S&T Media Service)