Ang Pilipinas ay pang-12 sa pinakamalaking industriya ng mangga sa buong mundo na may 12% ambag sa produksyon (FAO, 2012). Ang mangga din ang pangatlo sa mga importanteng prutas sa bansa base sa dami ng eksport sa Pilipinas sunod sa saging at pinya. Mataas ang potensyal ng mangga kahit sa sariwa o prinosesong eksport na produkto.

May mga balakid pa din sa produksyon ng mangga sa Pilipinas gaya ng sakit at peste; di magandang nutrisyon ng lupa; hindi tamang gamit ng teknolohiya; at pagka-lugi sa ani. Ang mga ito ang nagiging dahilan ng mababang ani at hindi magandang kalidad ng prutas.

Ang Industry Strategic S&T Program (ISP) ay naglalayon na mapataas ang ani sa 90% (mula 5.82mt/ha hanggang 11/11mt/ha), pababain ang pagkalugi ng 50% (mula 40% hanggang 20%), at mapataas ang kakayanan ng mga mango growers sa pamaagitan ng Integrated Crop Management (ICM), Postharvest Quality Management (PQM), at Good Agricultural Practices (GAP).

Ang mga programa ng ISP ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) na nagsimula noong 2012 ay naglalayon na makapagbigay ng bisyon at direksyon hindi lamang sa mga nag-aalaga ng mangga kung hindi sa buong sektor ng pagsasaka, pangingisda, at likas na yaman ng bansa.

Ipinakita ng DOST-PCAARRD ang ISP ng mangga kasama ang iba pang teknolohiya at mga bunga ng pananaliksik noong March 2-4, 2016 sa idinaos na SIPAG FIESTA sa himpilan nito sa Los Baños, Laguna.

Ang SIPAG ay isang istratehiya sa technology transfer na isinasagawa ng PCAARRD kaugnay ng DOST Outcome One upang siguruhin na ang bunga ng pagsasaliksik sa pagsasaka at pangisdaan ay lubos na mapakikinabangan ng bawat Juan at Juana. (Liza R. Gutierrez, DOST-PCAARRD S&T Media Service)