Ni: Precy Faustino-Lazaro

 image

ANG mga pinipintakasing santo na sina San Pascual Baylon, Santa Clara mga wangis at Mahal na Birhen ng Salambaw ay nagdaraos ng isang pasayaw habang umaawit ng kantang Santa Clarang Pinung-pino na isinasagawa sa Obando Bulakan.

Sa bawat taon, tuwing ika 17, 18 hanggang ika-19 ng Mayo, sa saliw ng tugtugin ng mga instrumentong yari sa kawayan o ang tinatawag na Musekong Bungbong at iba pang banda sa Obando ay nagsusuot ang mga kalalakihan, kababaihan, at mga kabataan ng mga tradisyonal na kasuotan sa naturang lugar.

Si Santa Clara ng Assisi ang pinakamatanda o pinakaunang patrong santo na siyang unang santong dinambana sa kapilyang itinayo ng mga misyonerong Pransiskano sa Catanghalan na dating pangalan ng bayan ng Obando. Isang madre si Santa Clara sa Assisi Italya noong ika-13 daantaon, na nagtatag ng kongregasyon na nakabatay sa makadebotong pagtuturo ni San Francisco ng Assisi. Itinuturing si Santa Clara bilang patron ng maayos na panahon dahil sa nangangahulugang pagliliwanag ng kalangitan. Sa paglipas ng mga bagyong naranasan ay naging kaugalian na ang pag alay ng mga itlog ng mga Obandenyo sa paanan ng kaniyang dambana lakip ang dasal at hiling para sa maaliwalas na klima ng panahon. Nangangahulugan daw ang pangalan ni Santa Clara ng claro o albumen. Ang sayaw o pandanggo para kay Santa Clara ay nananangan ng pag iwas sa pagka baog ng mga mga kababaihan. Naging pintakasing santo siya ng mga debotong dumudulog o humihingi ng mapapangasawa at humihiling na mga anak partikular na ang babaeng supling. Ang unang bersyong liriko sa awitin o nobena para kay Santa Clara ay Santa Clarang pinong-pino / Ako po ay bigyan mo / Ng asawang labintatlo / Sa gastos ay walang reklamo! Samantalang sa pangalawang bersyon naman ay Santa Clarang pinong-pino / Ang pangako ko ay ganito / Pagdating ko sa Obando / Sasayaw ako ng pandanggo.

Pagkaraan ng pagkakatatag ng Obando Bulacan bilang isang Kastilang munisipalidad noong ika-18 daantaon ay nagtayo ang mga misyonerong Pransiskano ng isang simbahan. Noong mga panahong iyon, ipinakilala si San Pascual Baylon sa mga mamamayan. Katulad ni Santa Clara, naging santo rin siya ng pertilidad sa kayamanan at kasaganahan. Ang apelyido ni San Pascual na nangangahulugang “isang taong mahilig sumayaw”, ay hinango mula sa salitang Kastilang baile.. Mayroong isang kuwento o anekdota tungkol sa mga milagrong ginawa ni San Pascual. Sinasabi sa kuwento ng mga taga Obando na nuong araw, mayroong mag-asawang walang anak mula sa kalapit na bayan ng Hagonoy na nakatagpo ng isang lalaking nagtitinda ng mga alimango. Inanyayahan ng lalaking iyon ang mag-asawang pumunta sa Obando upang makilahok sa pagsasayaw tuwing piyesta. Pumasok sa loob ng simbahan ang mag asawa at laking gulat nila nang matuklasang kahawig ang mukha ng wangis ni San Pascual, ang mukha ng lalaking nakilala nila at nagbibili ng alimango.Naging patrong santo rin si San Pascual lalo na sa mga humihiling ng anak na lalaki.

Ipinakilala rin ang Ina ng Salambaw noong Hunyo 19, 1763 sa Obando na kilala bilang Ina ng Malinis na Paglilihi o Nuestra Señora de la Imaculada Concepción de Salambao. Ayon sa alamat na siyang pinaniniwalaan ng nakaraang mga henerasyon, ay tatlong mangingisda daw na sina Juan, Julian at Diego dela Cruz na nakahuli sa imahen ng Birheng Maria. Sa pamamagitan ng kanilang lambat o salambaw na nasa isang balsa at tinatangan ng pinagkrus na bahaging kawayan Nahagip nila ang imahen habang sila ay nangingisda sa isang pook na kilala bilang Hulingduong, Binwangan sa bayan ng Malabon na nuon ay Tambobong. Nang ginustong dalhin ng mga mangingisda ang imahen ng Mahal na Birhen sa katabing bayang Navotas, bumigat ang kanilang lambat at hindi sila makasagwan patungong Navotas. Ngunit nang ginusto nilang dalhin ang imahen patungong Obando, gumaan sa pag usad ang kanilang sasakyan pantubig at naging madali ang pagsagwan. Naging dahilan ito sa nadagdag na imahen sa dambana ng simbahan ng Obando, Bulacan na naging pintakasing santo ng mga mangingisda at mabuting ani, ang Mahal na Birhen ng Salambao

Ang simbahan ng Obando ay nag iba daw noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig kabilang ang tatlong imahen ng mga santong pintakasi. Nang matapos ang digmaan, ipinagbawal ng arsobispo ng Maynila at ng isang kura paroko sa Obando ang pagsasagawa ng pagdiriwang ng sayaw ng kasaganahan dahil sa pinag-ugatan nitong kaugaliang pagano. Kahit bawal ay nagkakaroon pa rin ng mga prosisyong pampananampalataya ngunit wala ang masiglang pagsasayaw sa harap ng simbahan. Noong 1972, binuhay muli ng bagong kura parokong si Reb. Pr. Rome R. Fernandez at ng Komisyon ng Kalinangan ng Obando ang dating natutulog ng tradisyon.

Ang mga kuwentong ito ay nadinig ko na din sa mga taong aking nakahalubilo sa tuwing ako ay mag sasadya sa kapiyestahan ng Obando simula pa nuong 2001. Sa bawat taon ay pa dagdag ng pagdagdag ang mga patotoo na hindi lang taga ruon ang mga nag sasayaw at nananalangin sa dambana kundi marami na din ang dumadayo. Madami ding humihiling ng kasagahan at katiwasayan ng pangangatawan. Ang iba naman ay sumasayaw bilang pasasalamat sa kanilang mga kahilinangan. May mga bisitang taga ibang bansa din na asawa ay Filipina na mga hindi nagkakaanak. May mga nagpapasalamat naman dahil sa pag tugon na sila ay nabiyayaan ng anak at iyon ang simula ng kanilang patuloy na pamimiyesta at pagsasayaw sa Obando.

image

image