image

Sa pagdiriwang ng Araw ng Manggagawa bukas (Mayo 1) magtatalaga Ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng humigit kumulang sa  walong libong pulis (8,000) sa buong National Capital Region (NCR).

Ito ay upang tiyakin ang kaayusan, katahimikan at kapayapaan ng bawat indibidual na mamamayan na nasa lansangan. Inaasahan kasi at pinaghahandaan na ng NCRPO na magsasagawa ng kilos protesta ang iba’t ibang grupo sa kalakhang Maynila upang ipahayag ang kanilang saloobin sa Araw ng Paggawa o Labor Day.

Sa panayam ng ilang mamamahayag kay NCRPO Chief Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr noong lunes, sa ginanap na flag raising at awarding ceremony, taun-taon tuwing Labor Day, maaga umano nilang pinaghahandaan ang posibleng mangyari sa mga kilos protesta na isasagawa ng iba’t-ibang grupo.

Kasabay pa nito ang pangatlo at huling araw ng transport stike na nagsimula pa noong lunes na magtatapos bukas Mayo 1, kung saan tinututulan ng grupo ang public utility vehicle modernization program ng pamahalaan.

Sinabi pa ni NCRPO Chief na malayang makapagsasagawa ng kilos protesta ang ibat-ibang grupo, basta’t nasa tamang lugar sila, kagaya ng: Liwasang Bonifacio sa Maynila, Freedom Park sa Quezon City Memorial Circle at iba pang lugar na pinapayagan ng otoridad.

Nagbigay babala rin ang NCRPO Chief na bubuwagin nila ang sinomang  grupo na magkikilos protesta sa ipinagbabawal na lugar ng walang pahintulot at walang kaukulang  permiso mula sa lokal na pamahalaan.

Katuwang ng NCRPO sa pagpapanatili ng kaayusan sa daloy ng trapiko bukas ang LTO, MMDA at LTFRB.

image

image