image

Rizal PNP, Provincial Director PCol. Renato Alba Tinututukan ang paglaban sa mga rebeldeng komunista  sa lalawigan ng Rizal.  (Photo by: Nep Castillo)

 

PINAIGTING pang lalo at bantay sarado ang mga paaralan sa Lalawigan ng Rizal sa pangunguna ni Provincial Director PCol. Renato Alba, matapos na mapabalitang pinupuntirya ng mga rebelde ang mga mag aaral sa lalawigan para hikayatin na sumapi sa kanilang grupo.

Hindi lingid sa marami na ang Rizal ay isa sa mga lalawigang na patuloy na “pinuputakti” ng mga rebeldeng komunista sa bansa, puntirya ang mga estudyante para hikayating sumapi sa kanilang kilusan.

Ayon kay Alba, magdaraos sila ng mga seminar sa lahat ng pampublikong paaralan partikular sa mga estudyante na nasa Grade 10. “Naka-iskedyul ang sunod-sunod naming mga seminar at uunahin namin ngayong taon ay ang mga estudyante dito sa Antipolo City na nasa mataas na paaralan.” Ayon pa kay Alba.

Binanggit pa nito, na kaya nila ginagawa ito dahil sa mga bali-balitang may mga makakaliwang grupo na umaali-aligid sa mga lugar na nabanggit. “Hindi naman actually rebel-infested ang area, pero aminado kaming may banta sa iilang mga lugar dito sa lalawigan ng Rizal,” dagdag pa ni Alba.

Subalit binigyang diin naman nito, na hindi militarization ang kanilang ginagawa sa kabila ng pagkakaroon ng mga puwersa ng kapulisan sa mga paaralan.