Magkasunod na binawian ng buhay ang dalawang mag-asawa na nag positibo sa corona virus (COVID 19) kahapon ng umaga, matapos mailipat ng ilang araw sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ng Department of Health (DOH) sa Muntinlupa City. Ito ay kinumpirma ni Cainta Mayor Kit Nieto sa panayam ng ilang mamamahayag.
Ang mag-asawa ay nakatira sa Filinvest subdivision sa Cainta Rizal, at may apat na anak na binabantayan na rin sa ngayon. Sinabi pa ni Mayor Nieto na ang nurse na nag-asikaso sa kanila ay naging positibo na rin sa COVID-19 at nagkataong taga-Cainta din at nagtatrabaho sa Cardinal Santos Hospital sa San Juan City. Ang nurse na ito ay naka quarantine na rin sa ngayon sa ospital, at ang kanyang limang (5) kamag-anak na kasama sa bahay ay siniguro ni Nieto na inaasikaso na rin ang pangangalaga sa mga ito. Isinasailalim na rin sila sa home quarantine. Kaagad namang inilibing ang mag-asawa, batay na rin sa kaugalian ng mga kapatid nating Muslim.
Matatandaang, ang asawang lalake ayon sa impormasyon ay madalas na pumunta sa prayer room sa Greenhills Shopping Center, na kung saan dito niya nakuha ang virus na nahawahan na rin maging ang kanyang maybahay. Ito rin ang sinasabing kaunaunahang kaso ng COVID 19 sa bansa o local transmission dahil walang itong travel history, kung kaya hindi pa rin matukoy kung saan talaga nakuha ang nasabing virus.
Sa inihayag na mensahe ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakakaraang huwebes, sinabi ni Mayor Kit Nieto na sasailalim ang buong Cainta Rizal sa Town Quarantine na kasalukuyan na nilang ginagawa sa ngayon. Patuloy umano ang ginagawa nilang Town Cleansing sa lansangan at maging sa lahat ng maliliit na kalsada para maiwasan ang pagkalat ng virus sa nasabing bayan. Gagamitan ito ng misting at spraying activities at kasama ang mga bumberong maglilinis gamit ang clorox at iba pang kemikal na pamatay virus. Dadalawin din ang lahat ng mga senior citizen president ng iba’t-ibang sitio para mamigay ng mga vitamins depensa sa virus. Sila kasi yung vulnerable sector na base sa record, ay unang tinatamaan ng virus. “Patuloy tayong mamimigay ng alcohol sa munisipyo para sa mga nangangailangan. Uubusin natin ito hanggang kailangan.
“Yung purchase control team ng business permits office ay iikot para pigilan ang hoarding ng mga goods sa grocery. Walang magaganap na pagsasara ng mga tindahan sa buong panahon ng quarantine,” ayon pa sa Alkalde. Kanselado din ang lahat ng public events na naka set mula ngayon hanggang ma-lift ang quarantine sa lugar natin,” ayon pa kay Nieto.
Samantala, ayon naman kay Barangay Chairman Ricardo Licop Jr. ng Barangay San Isidro, Cainta Rizal, inatasan sila ni Mayor kit Nieto na ituloy-tuloy lang ang pag didisinfect sa bawat area. “Katulad ngayon, buong Karangalan at kalsada Vista Verde, Montesorri, Christian School diyan sa brookside, ay tatapusin namin lahat ng subdivision para madisinfect after the guidlines na pinarating ni Mayor Nieto kaninang umaga”.