Aprubado na ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases ang panukala ng Kagawaran ng Agrikultura na payagan ang mga magsasaka at mangingisda na ipagpatuloy ang mga gawain sa bukid basta’t tiyakin lamang na malusog ang kanilang pangangatawan. Ito ay upang masigurong sapat ang suplay ng pagkain sa bansa.

Ayon sa kautusan na ipanalabas ng kagawaran noong March 24, lahat ng magsasaka at mangingisda sa bansa ay hindi kasali sa home quarantine basta’t wala itong sintomas ng Covid-19 tulad ng lagnat at ubo.

Ang lahat ng gawain sa bukid ay pinahihintulatan ng nasabing kautusan. Kabilang na rito ang paghahanda ng lupa, pagtatanim, pangangalaga sa tanim, pag-aani, paggiik, paggiling o pagkokono, at maging ang packaging ng produkto. Ang mga mangngisda at manggagawa na nasa processing at manufacturing ay pinahihintulutan din.

kamakailan, nanawagan si Agriculture Secretary William Dar sa lokal na pamahalaan na payagan na ang mga magsasaka na magtrabaho sa bukid basta’t nakasunod sa pinag-uutos na tamang physical distancing o pagkaroon ng distansya habang nakikipagsalamuha hanggang 2 metro o anim na talampakan at sumunod sa proper sanitation protocol tulad ng paghuhugas na kamay gamit ang tubig at sabon.

Sinabi naman ni DILG Secretary Eduardo M. Año na naabisuhan na ang mga local government officials, regional directors at field staff na pahintulutan ang mga magsasaka sa kanilang mga gawain sa bukid upang masigurong sapat ang suplay ng pagkain lalo na ngayong may krisis sa bansa.

Samantala, kailangan munang mag-aplay ng food pass ang mga supplier at truckers online upang hindi harangin sa mga checkpoints. Maaaring tingnan ang Facebook page ng Department of Agriculture para sa proseso ng pag-aaplay.