image

Bagamat ilang araw ng naka house  quarantine ang Mayor ng Taytay, Rizal na si Mayor Joric Gacula, tuloy pa rin ang pag-arangkada ng Mobile Market sa mga sitio at malalayong barangay sa Taytay Rizal. Kamakailan lang matapos na makumpirma na positibo si Mayor Gacula sa COVID 19 subalit, Tuloy-tuloy pa rin ang pagtatrabaho at pagbibigay nito ng serbisyo sa kanyang mga nasasakupan.

Ayon kay Mayor Gacula, habang naka self quarantine siya naipagpatuloy pa rin umano niya ang kanyang trabaho at nakakaganap sa tungkulin habang siya ay nasa kanyang kwarto. “Binilin ko po, inutos sa ating municipal budget officer, sa ating treasurer, sa tulong po ng ating Vice Mayor at Sangguniang Bayan na ipagpatuloy ang pamimili ng mga groceries para ipamigay sa lahat ng Taytayeños.”

Patuloy pa rin umanong nabibigyan ng tulong ang mga residente ng Taytay, tulad ng pagbibigay ng relief goods, pag disinfect at misting ng mga lansangan. Sa ngayon umano ay ang paglapit naman ng palengke sa mga residente para mabawasan ang pagdami ng pumupunta sa pamilihan. Dito umano magkakaroon pa sila ng social distancing dahil hindi masyadong siksikan sa pagpila. Kaya’t mas mainam umano kung hindi na sila lalayo pa para mamalengke. “Presyong palengke, mas malapit sa mamimili at tulong na rin sa mga maninindang taga-Taytay. Layunin din ng ating mobile market na mabawasan ang mga namimili at maiwasan ng ating mga kababayan ang siksikan sa ating pamilihan bayan,” dagdag pa ni Mayor. Ayon pa niya, sa pamilihang bayan bago papasukin ang sinuman sa palengke, kailangang dumaan ka muna sa misting solution para sa disinfection process. subalit sa mobile palengke hindi mo na kailangang magdisinfect.

Iikot din ang Mobile Market sa mga malalayong sitio dahil wala rin umano silang masasakyang tricycle at jeepney dahil sa umiiral pa rin sa buong Luzon ang Enhance Community Quarantine. Nakikiusap din ang Alkalde sa mga Taytayeños na pagtiisan na lang ang nalalabing dalawang linggo na pananatili sa bahay kasama ang pamilya, at iwasan din magpakalat ng mga maling balita sa social media at wag maniwala sa hindi tamang impormasyon dahil, baka makasuhan pa kayo ng PNP dahil sa fake news, ayon pa sa Alkalde.