image

ANG Department of Agrarian Reform, sa pangunguna ni DAR Secretary John Castriciones ay nagluluksa at buong pusong nakikiramay sa pamilya ng isa sa pinakaamasigasig at masipag na pinuno ng DAR, si Regional Director Stephen Leonidas ng DAR-Eastern Visayas, na pumanaw nitong Sabado sanhi ng sakit sa atay sa edad na 64.

Ang kanyang mga labi ay kasalukuyang nakahimlay sa Saint Peter Chapel, Alijis Road, Barangay Alijis, Bacolod City, at pansamantalang ilalagak sa La Carlota City College, Gurrea Street. La Carlota City, bago ito dalhin sa huling hantungan sa La Carlota City Memorial Park.

Kilala bilang isang kalmadong tao, si Leonidas ay karaniwang naitatalaga sa mga lugar kung saan kailangan ang agarang aksyon at desisyon upang pangasiwaan ang mga isyu na may malalaking suliranin sa pagpatupad ng repormang agraryo, lalo na ang mga lupaing may mga alitan sa pagitan ng mga magsasaka at mga may-ari ng lupa.

Ipinanganak noong Hulyo 24, 1956, si Leonidas ay lumaki sa La Carlota City, Negros Occidental. Sya ay nagsimulang magtrabaho sa edad na 22, pagkatapos niya a kursong BS Agriculture, bilang Junior Agronomist sa PHINMA Agri-Corporation, Inc.

Noong 1983, siya ay lumipat sa DAR La Castellana municipal office, kung saan unti-unting tumaas ang kanyang ranggo mula sa pagiging agrarian reform technologist, municipal agrarian reform officer noong 1988, OIC-Chief for Operations noong 1993 at provincial agrarian reform officer noong 2003.

Ang kanyang dedikasyon sa trabaho ang naging daan upang hirangin siya bilang pinunong tagapag-ugnay ng isang Tak Force sa DAR-Western Visayas na nangasiwa ng mga problematikong lugar o lupain sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program noong 2014.

Ang kanyang di matatawarang ambag para sa social justice program ng bansa ay hindi nakaligtas sa mapanuring mata ng mga pinuno ng ahensya. Noong 2016 ay dumating sa kanya ang pinakamalaking oportunidad nang siya ay nahirang bilang Director IV, kahit pa nga ginagampanan na niya ang pagiging OIC-Regional Director ng Western Visayas ng tatlong taon.

Bukod sa Rehiyon ng Western Visayas, si Leonidas ay naging regional director din ng Central Visayas, kasama na ang panandaliang Negros Island Region (NIR), MIMAROPA, at ang kanyang pinakahuli, ay noong ika-13 ng Agosto, 2019, nang ilipat siya ni Castriciones sa DAR-Eastern Visayas, na kanyang mahusay na pinaglingkuran hanggang sa araw na siya ay kunin na ng Dakilang Lumikha.