clip_image002

Nagkaloob ng tulong pangkabuhayan ang Department of Agrarian Reform (DAR) sa mga magsasaka ng Sultan Kudarat upang makatulong na maibsan ang kahirapan na epekto ng pandemya.

Limang Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) mula sa munisipalidad ng President Quirino sa lalawigan ng Sultan Kudarat ang tumanggap ng tig-iisang kalabaw mula sa DAR sa ilalim ng programang Payapa at Masaganang Pamayanan sa Agrarian Reform Areas (PAMANA-ARA) .

Layon ng programa na magbigay ng mga proyektong magtataguyod ng kapayapaan at pangkabuhayan sa mga magsasaka na malayo sa kabihasnan at mga lugar na may hidwaan na sakop ng agrarian reform communities.

Ayon kay Municipal Agrarian Reform Provincial Officer Abdul C. Saligan, Jr., ang mga tumanggap ay mga miyembro ng Pedtubo Farmers ’Association (PFA). Aniya ang mga magsasaka ay pawang nasa ikalawang hanay na ng mga benipisyaryo ng proyektong pagbibigay ng baka, mula sa mga anak na ng baka na ibinigay sa 15 benepisyaryo taong 2017.

Dagdag pa ni Saligan, bukod sa mga kalabaw, ang mga benepisyaryo ay binigyan din ng oryentasyon sa pag-aalaga ng baka at pagpaparehistro ng mga ito sa insurance kung sakaling masaktan ang mga ito dahil sa hindi sinasadyang dahilan habang nasa kanilang pangangalaga.

Ang programang PAMANA ay isang pagtitipon ng iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan na layong mapalawak ng mga interbensyon sa pag-unlad sa mga malalayo at mahihirap na mga komunidad na apektado ng hidwaan.

image