image

BANI, Pangasinan — Aabot sa 223 agrarian reform beneficiaries (ARB) ang makikinabang sa solar-powered irrigation system na itinayo ng Department of Agrarian Reform (DAR) sa nasabing bayan.

Ang solar irrigation system ay pormal na iginawad ni DAR Secretary Brother John Castriciones noong Mayo 4 sa Rang-Ay Upland Integrated Farmers Association Inc. (RUFAI) sa Barangay Dacap sa Bani.

“Ang proyektong patubig na ito ay tutugon sa problema ng magsasaka sa matinding pagkatuyo sa panahon ng tag-init, lalo na kung mayroong El Niño kung saan hindi umuulan ng maraming buwan,” sinabi ni Brother John.

“Ang mga imprastraktura tulad nito ay makatutulong sa ating mga magsasaka na labanan ang mga negatibong epekto ng pagbabago ng klima. Alam naming aalagaan ng mga magsasaka ang proyektong ito dahil hindi lahat ng mga kooperatiba ay nabibigyan ng mga pagkakataong tulad nito. Tiwala kaming pangangalagaan nila ito at gagawing produktibo para sa kanilang sariling kapakinabangan at kapakanan,” dagdag ni Brother John.

Sinabi naman ni DAR Undersecretary Emily Padilla, na namuno sa pagkakaloob ng nasabing patubig kasama si Brother John, na ang irigasyon ay magbibigay sa mga magsasaka ng isang maka-kalikasan at permanenteng mapagkukunan ng tubig para sa kanilang mga pananim.

Sinabi pa nito na bago ang pagtatayo ng patubig, ang mga magsasaka ay gumagamit ng mga water pump upang kumuha ng tubig mula sa balon upang madiligan ang kanilang mga pananim.

“Dahil ang patubig ay tumatakbo gamit ang enerhiya ng araw, ang pagdadala ng tubig sa mga bukirin ay magiging mas abot-kaya kaysa sa tradisyunal na paggamit ng diesel at gasolina sa pagpapatakbo ng mga engine pump,” ayon pa kay Padilla.

Sinabi pa ni Padilla na ang sistema ng patubig ay idinisenyo upang magpatubigan ang mula tatlo hanggang sa limang ektarya ng bukirin.

Ang proyekto ay ipinatutupad sa ilalim ng proyekto ng ahensya na Climate Resilient Farm Productivity Support (CRFPS).

image