Sa pagpasok ng taong 2022, biglang naiba ang timpla ng temparatura ng panahon, lumamig at nagpabago-bago ang klema, kung kaya dumami ang nagkasakit. Naging dahilan ito para magdulot ng kakulangan ng mga mabibiling gamot sa mga botika at malalaking drugstores sa kalakhang Maynila.
Kung kaya naman, sa Mandaluyong City, pinangunahan ni Mayora Menchie Abalos nitong nakaraang araw, Enero 13, 2022 (Huwebes) ang pamimigay ng libreng COVID-19 Health Recovery Kits sa mga mamamayan partikular sa Barangay Addition Hills bilang isa sa barangay na may pinakamaraming bilang na naninirahan sa lungsod. Sa susunod na mga araw lahat ng mga barangay sa nasabing lungsod ay iisa-isahin din para mahatiran ng COVID-19 Health Recovery kits ayon sa pangangailangan ng nabanggit na barangay.
Ang COVID-19 Health Recovery Kits ay naglalaman ng mga pangunahing gamot panlaban sa ubo, sipon at trangkaso. Ito rin ay naglalaman ng Vitamin C, Mentholated ointment, alcohol, face mask at towel para sa mga nakatatanda at bata na itinuturing na malaki ang posibilidad na makaranas ng mga sintomas na kahalintulad sa COVID-19. Ang naturang Health Recovery Kits ay may kalakip na instruction manual o mga panuto kung paano ito ligtas na magagamit ng mga mamamayan ng lungsod.
Ang pamimigay ng gamot sa mga nangangailangang residente ay bahagi pa rin ng panibago at pinalakas na programa ng lungsod laban sa pandemya. Hangarin nito na magkaroon ng agarang lunas ang mga nagkakasakit na residente sa lungsod.