image

Ikalawang taong anibersaryo ng Angono New Normal Farmers Association o ANNFA. Ito ang samahan ng mga magsasakang Senior Citizen sa Hillsdale Subdivision, Barangay Botong Francisco, Angono Rizal na datirati sa likod lamang ng kani-kanilang bahay nagtatanim ng gulay.

Sa pagsasanib pwersa ng pamahalaang bayan ng Angono, DOST-CALABARZON at DOST-Rizal, natupad ang pangarap ng mga magsasaka na makapagtanim ng gulay sa isang malawak na lupain, sa tulong ng Lokal na pamahalaan ng Angono, sa pangunguna ni Mayor Jeri Mae Calderon at Vice Mayor Gerry Calderon.

Sa pakiusap ng mag-amang Mayor at Vice Mayor Calderon, pinayagan sila ng may ari ng lupa na tamnan ang mga nakatiwangwang na lote sa nasabing subdivision.

Napakiusapan din ng isang mamamahayag na si Narisa Piscos aka “Horizon Chazer” ang DOST-CALABARZON at DOST-Rizal na tulungan ang mga magsasaka na mabigyan ng mga gamit pansaka, binhi, abono, at patubig para pandilig ng mga gulay.  Nabigyan din ng-seminar ang mga magsasaka kung paano ang tamang proseso ng pagbunkal ng lupa, pagtatanim, at iba pa para maging maganda ang tubo ng mga gulay at maibenta ng mataas na presyo sa merkado matapos anihin.

Dumalo sa nasabing okasyon sina: DOST-Rizal Director Fernando Ablaza, Municipal Agriculture Office OIC Dr. Joel Tuplano, Municipal Councilors Elena Ibañes at Arvin Villamayor, na nagpahayag ng kanilang suporta at pagbati.

Nakiisa rin ang ilang Barangay kagawad ng nasabing barangay, na buong buo rin ang suporta sa ANNFA.

Matatandaang nabuo ang samahan ng Angono New Normal Farmers Association (ANNFA) sa kasagsagan ng lockdown. Ang mga miyembro ay dating mga mananahi, driver, factory workers, na inabot na ng pagreretiro sa kumpanya at tuluyan ng nawalan ng hanap buhay dahil sa pandemya.

image