Para matiyak ang kaligtasan ng mga kabataan sa nalalapit na pagsapit ng bagong taon, nagbigay babala ang pamahalaang lokal ng Angono sa mga negosyante na bawal na ang pagbebenta ng mga laruang nakakasakit partikular ang laruan na pellet gun.
Sa isang pahayag at kalatas na inilabas ni Angono Vice Mayor Gerardo Calderon kasama ang sanguniang Bayan, inatasan ang lokal na kapulisan para bantayan at mahigpit na ipatupad ang inilabas na ordinansa na 15-695 na nagbabawal sa pagbebenta paggawa at pamimigay ng “pellet gun” sa mga kabataan sa lokal na pamahalaan ng Angono na mas kilala bilang Art Kapital ng Pilipinas.
Sa mga lalabag sa nasabing ordinansa, may anim na buwang pagkakakulong, P2,000 multa at pagkansela ng kanilang business permit.
Matapos ilabas ang nasabing ordinansa, nag-ikot ang mga kawani ng Angono Public Safety and Order sa sampung nasasakupang barangay, na kung saan daan-daang gun replica ang nakumpiska ng mga kawani sa mga pamilihan at ilang establisyemento.
Kasama ang mga katuwang na civilian security units, nagpakalat din ng impormasyon ang tanggapan ng Angono Public Information Office hinggil sa peligrong dulot ng baril-barilang bumubuga ng bulitas o pellet.
“Nananawagan po kami sa mga nagtitinda sa aming bayan – may ordinansa po tayo laban sa paggawa, distribusyon, pagbebenta at paggamit ng mga laruang nakakasakit,” ayon kay Calderon.
Matatandaang nitong mga nagdaang taon, nakapagtala ang Department of Health (DOH) ng mga insidente ng pagkabulag ng mga batang tinamaan ng bulitas habang naglalaro ng pellet toy guns.