MANILA — Nagpatupad ang Social Housing Finance Corporation (SHFC) ng panibagong moratorium sa buwanang bayad sa pabahay para sa mahigit 54,000 pamilyang naapektuhan ng malalakas na ulan at pagbaha dulot ng Habagat.
Epektibo hanggang Setyembre 28 ang payment moratorium na layong magbigay ng pansamantalang ginhawa sa mga pamilyang patuloy na bumabangon mula sa epekto ng kalamidad.
Tinatayang 54,000 member-beneficiaries mula sa mahigit 400 community associations sa National Capital Region (NCR), Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Bataan at Tarlac ang makikinabang sa programa.
Katumbas ito ng mahigit P23.4 milyon na housing assistance, ayon sa SHFC.
Ayon kay SHFC President at CEO Federico Laxa, layunin ng moratorium na mabawasan ang pinansiyal na pasanin ng mga pamilya upang mas makapagtuon sila sa pagbangon at pagsasaayos ng kanilang mga tahanan.
“Hangad po naming makatulong sa ating mga kababayan na mabawasan kahit papaano ang kanilang mga iisipin habang bumabangon sa pagsubok na ito,” ani Laxa.
Noong nakaraang buwan, nagpatupad din ang SHFC ng kaparehong moratorium na nagkakahalaga ng mahigit P5.3 milyon, na nakinabang ang mga miyembro ng mahigit 90 community associations sa NCR, Bulacan, Nueva Ecija, Rizal at Cavite.
Pinapayuhan naman ang mga kwalipikadong benepisyaryo na makipag-ugnayan sa kanilang SHFC branch office para sa mga detalye hinggil sa pagpapatupad at pag-avail ng payment moratorium.