Solon itinutulak ang dagdag ₱30-B pondo para sa 2027 DOTr budget
MANILA — Itinutulak ni Cagayan de Oro 2nd District Representative Rufus Rodriguez ang karagdagang ₱30 bilyong pondo para sa Department of Transportation (DOTr), bukod sa panukalang ₱300.96 bilyong budget ng ahensya para sa 2027.
Ayon kay Rodriguez, mahalaga ang dagdag na pondo upang maipatupad ang mga kritikal na proyekto ng DOTr, kabilang ang Mindanao Railway Project (MRP) na inaasahang makatutulong sa pag-unlad ng bansa.
Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations, nagpahayag ng suporta si Rodriguez sa panukalang 2027 budget ng DOTr, ngunit iminungkahi niyang dagdagan pa ito ng ₱30 bilyon upang mapondohan ang iba pang mahahalagang proyekto ng kagawaran at mga attached agencies.
Kabilang sa nais niyang mabigyan ng pondo ang local counterpart para sa Mindanao Railway Project, na kakailanganin sakaling makakuha ng foreign financing ang proyekto.
Saklaw ng Phase 1 ng Mindanao Railway Project ang pagtatayo ng 100-kilometrong commuter rail line mula Tagum City sa Davao del Norte hanggang Digos City sa Davao del Sur. Layunin nitong mapababa ang travel time sa pagitan ng dalawang lungsod mula tatlong oras hanggang isang oras.
Samantala, tiniyak ni Transportation Secretary Banoy Lopez na patuloy na naghahanap ang DOTr ng mga bansang maaaring maging katuwang at mga multilateral development partners para pondohan ang Mindanao Railway Project.
Ayon kay Lopez, nasa huling bahagi na ng pre-feasibility study ang proyekto at sinisimulan na ang feasibility study.
Sinabi rin ng kalihim na patuloy na isinusulong ng DOTr ang pagdadala ng mga transport project sa labas ng Metro Manila, partikular sa Mindanao at Visayas, upang mapabuti ang mobility at connectivity sa buong bansa.
Binigyang-diin ni Lopez na malaking tulong ang panukalang ₱30 bilyong dagdag na pondo para sa pagpaplano at pagpapatupad ng mahahalagang proyekto sa railway, aviation, road at maritime sectors.
Samantala, umaasa ang DOTr na sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa mga foreign government at development partners ay makakahanap ng sapat na financing upang maisulong ang Mindanao Railway Project.
