TEODORO, MULING ITINULAK ANG SCHOLARSHIP PARA SA MGA GURO, AT ANAK NILA

491662272_1074998561330343_7714381637069535703_n

MARIKINA CITY — Muling inihain ni Marikina City 1st District Representative Marcelino “Marcy” Teodoro ang panukalang batas na naglalayong magbigay ng komprehensibong scholarship grants para sa mga kwalipikadong guro sa pampublikong paaralan at kanilang mga anak.

Ang House Bill No. 10954, o “Public School Teachers Scholarship Grant Act,” ay naglalayong palakasin ang propesyon ng pagtuturo, kilalanin ang mahalagang papel ng mga guro sa paghubog ng kabataan, at makatulong sa magandang kinabukasan ng kanilang mga pamilya.

Una nang inihain ang panukala noong 19th Congress at muli itong nakakuha ng suporta mula sa publiko.

Sa ilalim ng panukalang batas, maaaring makatanggap ng scholarship ang mga kwalipikadong public school teachers sa lahat ng antas upang makapag-aral ng master’s at doctorate degrees sa mga state universities and colleges (SUCs) na kinikilala ng Commission on Higher Education (CHED).

Saklaw din ng panukala ang edukasyon ng mga anak ng mga guro.

Para sa basic education, magbibigay ang Department of Education (DepEd) ng educational grants para sa preschool, elementarya at secondary education sa mga pampublikong paaralan sa loob ng munisipalidad o lungsod kung saan nagtuturo ang benepisyaryo.

Para naman sa tertiary education, sasagutin ng CHED ang gastusin sa kolehiyo sa alinmang accredited state university o college sa bansa.

491981518_1074998637997002_5434066801637607771_n

Kasama rin sa benepisyo ang mga retiradong public school teachers, na maaaring mag-apply ng scholarship grants para sa kanilang mga anak mula preschool hanggang kolehiyo.

Kabilang sa mga kwalipikadong benepisyaryo ang lehitimo, legitimated o legally adopted na mga anak ng mga guro, na maaaring makatanggap ng 50 porsiyento ng scholarship grant.

Samantala, hinikayat ng ilang netizens at online communities ang Kongreso na bigyang-prayoridad ang panukala, sa halip na pagtuunan lamang ng pansin ang mga usaping pulitikal gaya ng panukalang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Ayon sa mga tagasuporta, dapat unahin sa legislative agenda ang mga batas na direktang makikinabang ang mga guro at iba pang sektor ng lipunan.

Binigyang-diin ni Teodoro na nararapat lamang na patuloy at walang patid ang suporta ng pamahalaan sa mga guro dahil sa mahalagang ambag ng mga ito sa edukasyon, paghubog ng kabataan at pagpapaunlad ng bansa.

Facebook Comments