MANILA — Nanawagan ang National Public Transport Coalition (NPTC) at iba pang grupo sa transport sector ng malinaw, transparent at makabuluhang konsultasyon bago tuluyang ipatupad ang No Contact Apprehension Policy (NCAP) sa ilang bahagi ng Metro Manila.
Pinangunahan ni Ariel P. Lim, national chairman at lead convenor ng NPTC, ang panawagan kasama ang mga kinatawan ng NACTODAP, Mega Manila Consortium, INHTA, HATAW, CTAP, TNVS Groups, MANTRA Taxi Sector, commuter groups, jeepney transport organizations, motorcycle rider groups, drivers at operators.
Nagsagawa ng public consultation nitong Lunes, Oktubre 5, 2026, sa National Press Club sa Intramuros, Manila, upang talakayin ang mga pangamba at posibleng epekto ng NCAP sa mga motorista, driver, operator at commuter.
Muling ipatutupad ang NCAP sa piling lugar matapos ang mga naging legal na usapin dito. Binanggit ng grupo ang Metro Manila Traffic Code 2023 at MMDA Resolution No. 16-01, gayundin ang TRO ng Korte Suprema noong Agosto 30, 2022, na inalis noong Mayo 20, 2025.
Dahil dito, iginiit ng coalition ang pangangailangan ng bukas at makabuluhang konsultasyon upang malinaw na maipaliwanag ang proseso at mapakinggan ang sektor ng transportasyon.
Binigyang-diin ng grupo na hindi nito tinututulan ang traffic enforcement. Ang nais lamang nila ay malinaw, makatarungan at predictable na pagpapatupad ng polisiya, kabilang ang proseso ng citation, penalties, payment at pag-apela o pag-contest.
Kabilang sa kanilang mga tanong kung paano ibe-verify ang NCAP violation, paano haharapin ang maling citation o technical error, at sino ang mananagot sa maling identification.
Nais din nilang matiyak ang proteksiyon sa karapatan ng driver at registered vehicle owner, malinaw na appeal process, at accuracy, reliability, integrity, transparency at accountability ng no-contact enforcement system.
Mahalaga rin umano ang malinaw na proseso sa mga sitwasyon gaya ng pedestrian jaywalking, obstruction, intersection, emergency situations at traffic congestion upang maiwasan ang maling apprehension.
Binigyang-diin ng NPTC na hindi nito layuning hadlangan ang traffic enforcement. Sa halip, nais nila ng konsultasyon, transparency, malinaw na paliwanag at komprehensibong safeguards bago ipatupad ang sistema.
Ayon sa grupo, ang epektibong traffic enforcement ay hindi lamang dapat nakatuon sa paghuli ng violators, kundi dapat ding maging proactive sa public order, environmental protection, accident prevention at loss prevention.
Iginiit din nila ang due process, accountability at malinaw na mekanismo upang maiwasan ang pang-aabuso at maling citation.
“Konsultahin muna, linawin ang proseso. Protektahan ang motorista at karapatan ng bawat mamamayang Pilipino,” panawagan ng NPTC at mga kasamang transport organizations.
Layunin ng pagpupulong na magkaroon ng bukas na dayalogo, paglinaw sa mga isyu at pagpapalitan ng pananaw hinggil sa NCAP at epekto nito sa mga motorista, driver, operator at commuter.
Sa huli, sinabi ng coalition na dapat gumawa ang mga awtoridad ng angkop na hakbang upang matiyak ang maayos na public service at, kung kinakailangan, ipagpaliban muna ang NCAP hanggang sa maging malinaw at maayos ang proseso.