MANILA — Hinikayat ng Heavenly Culture, World Peace, Restoration of Light (HWPL) Philippines ang iba’t ibang sektor ng lipunan na huwag lamang pag-usapan ang kapayapaan kundi aktibong makibahagi sa pagbuo at pagpapatatag nito.
Ito ang mensahe ni John Rommel Garces, Chief Branch Manager ng HWPL Philippines, sa kanyang welcome address sa 4th National Peace Convention na ginanap sa University of the East Theatre sa Manila.
Tinatayang 1,000 kinatawan mula sa pamahalaan, sektor ng edukasyon, mga organisasyong panrelihiyon, kabataan at kababaihan, media, civil society at iba pang sektor ang dumalo sa pagtitipon na may temang “Be a Living Legacy of Peace.”
Isinagawa ang convention ng HWPL Philippines katuwang ang National Commission on Muslim Filipinos-NCR (NCMF-NCR), Philippine National Volunteer Service Coordinating Agency (PNVSCA), DepEd Schools Division Offices ng Cavite Province, Laguna, Southern Leyte at Navotas City, at BARMM Parliament’s Policy Research and Legal Services (PRLS).
Ayon kay Garces, ang legacy ng kapayapaan ay hindi lamang bagay na iniiwan para sa mga susunod na henerasyon kundi isang bagay na dapat nang isabuhay sa kasalukuyan.
Hinimok din niya ang mga kalahok na isalin sa konkretong pagkilos ang kanilang commitment sa kapayapaan, kasunod ng panawagan ni HWPL Chairman Lee Man-hee na makibahagi ang lahat sa pagsusulong nito.
Tinalakay sa convention ang iba’t ibang paraan kung paano makatutulong ang mga sektor sa peacebuilding, kabilang ang academic research, pamumuno ng kababaihan at kabataan, peace education, pagkilos ng lokal na pamahalaan at interfaith dialogue.
Ibinahagi ni Dr. Nassef Manabilang Adiong ng BARMM Parliament’s Policy Research and Legal Services ang mga hakbang sa pagdodokumento ng Bangsamoro peace process at pagpapalakas ng research sa peace, governance, culture at religion.
Samantala, tinalakay nina Erlinda Olivia Tiu ng National Federation of Women’s Clubs of the Philippines at Adzhar Madjid ng World Assembly of Muslim Youth ang mga inisyatiba para sa kababaihan at kabataan.
Sa sektor ng edukasyon, ibinahagi ni Dr. Antonio P. Faustino Jr. ng DepEd Schools Division Office of Cavite Province ang mga programa tulad ng peace clubs, teacher capacity-building at mga hakbang laban sa school violence.
Binigyang-diin naman ni Ali Maruhom Jr. ng NCMF-NCR ang kahalagahan ng interfaith dialogue upang mapalalim ang pag-unawa at pagkakaisa ng mga komunidad na may iba’t ibang paniniwala.
Ibinahagi rin ni Parañaque City Councilor Shannin Mae Olivarez-Bernardo ang ordinansa ng lungsod na nagdedeklara sa January 24 bilang “HWPL Peace Day” at nagpapahayag ng suporta sa Declaration of Peace and Cessation of War (DPCW).
Ang January 24 ay paggunita sa Mindanao Peace Agreement, isang civilian-led peace agreement na nilagdaan noong Enero 24, 2014. Isinusulong ng HWPL ang pagpapatibay ng DPCW ng United Nations bilang international legal framework para sa pangmatagalang kapayapaan.
Ipinakilala rin sa convention ang HWPL Peace Center, isang open platform na nagbibigay ng pagkakataon sa mga kalahok na matuto tungkol sa iba’t ibang relihiyon at makilahok sa tuloy-tuloy na interfaith dialogue.
May mga lecturer itong kumakatawan sa Catholicism, Islam, Hinduism (Hare Krishna), at non-denominational Christianity, na nagsasagawa ng lingguhang learning sessions para sa mga kalahok mula sa iba’t ibang background.
Sa kabuuan, binigyang-diin ng convention na ang pagtataguyod ng kapayapaan ay hindi lamang pangmatagalang adhikain kundi pananagutan ng bawat isa na maaaring simulan sa konkretong pagkilos ngayon.
Sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang komunidad, sektor at henerasyon, hinikayat ang mga kalahok na maging tunay na “living legacy of peace.”