PIDS, ITINALAGA ANG 2027 BILANG GOLDEN JUBILEE YEAR SA 50 TAON NG POLICY RESEARCH

thumbnail_PRJubileeYearv3

MANILA — Itatampok ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ang ika-50 anibersaryo nito sa 2027 matapos ideklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang naturang taon bilang PIDS Golden Jubilee Year.

Kasabay nito, inilunsad ng PIDS ang tema ng selebrasyon na “PIDS@50: Shaping Policies for a Better Future” sa paggunita nito sa ika-49 anibersaryo noong Setyembre 24.

Sa ilalim ng Proclamation No. 1448, na nilagdaan ng Pangulo noong Setyembre 18, kinilala ang naging ambag ng PIDS sa evidence-based policymaking, socioeconomic planning, policy evaluation, at pagpapalaganap ng pananaliksik sa loob ng limang dekada.

thumbnail_PRJubileeYearv3

Inatasan din ang mga ahensya ng pambansang pamahalaan na suportahan ang mga aktibidad ng anibersaryo, habang hinihikayat ang mga lokal na pamahalaan, nongovernmental organizations at pribadong sektor na makibahagi.

Itinatag ang PIDS noong 1977 sa ilalim ng Presidential Decree No. 1201 upang bumuo ng komprehensibo at integrated research program bilang suporta sa mga pambansang plano at polisiya sa pag-unlad. Tungkulin din nitong maging ugnayan ng pamahalaan at mga research institution, magsagawa at tumulong sa pananaliksik para sa pamahalaan, at magpanatili ng repository ng economic research information.

thumbnail_PRJubileeYearv3

Sa mensahe ng PIDS founding father na si Dr. Gerardo P. Sicat, sinabi niyang layunin niyang maitayo ang isang research institution na makatutulong sa pagbuo ng mabubuting reporma at polisiya para sa ekonomiya at sa pagkakaroon ng mas magandang buhay ng mga susunod na henerasyon.

Ayon kay Sicat, hindi lamang mga tagapagtatag ang dahilan ng tagumpay ng PIDS kundi ang mga sumunod na henerasyong nagpatuloy sa misyon nito.

Aniya, naging mahalaga sa unang mga taon ng PIDS ang pagtatatag ng matatag na research staff at pagbuo ng network ng mga development scholar at research institution.

Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng maingat at unti-unting pagpapalakas sa research capacity ng institusyon upang matatag na maitayo ang lugar nito sa policy research community ng bansa.

thumbnail_PRJubileeYearv3

Magpapatuloy ang mga aktibidad para sa 50th anniversary ng PIDS sa buong 2027, kabilang ang iba pang programa na iaanunsyo sa mga susunod na buwan.

Ipagdiriwang mismo ng PIDS ang ika-50 anibersaryo nito sa Setyembre 26, 2027.

Hinihikayat ang publiko na subaybayan ang official social media channels ng PIDS para sa mga anunsyo at update kaugnay ng mga aktibidad ng Golden Jubilee.

Facebook Comments