A CARP beneficiary from Bangon, Lupi, Camarines Sur, received her certificate of landownership award (CLOA) from DAR Bicol Assistant Regional Director of Operations Romulo A. Britanico, Lupi Mayor Lilian S.A. Matamorosa, and Camarines Sur I Agrarian Reform Chief Gay L. Labad.
Namahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng certificates of land ownership award (CLOAs) at computerized land titles (E-titles) sa mga agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Bicol nitong huling linggo ng Hulyo 2022.
May bilang na 215 magsasaka mula sa limang bayan sa lalawigan ng Sorsogon at Camarines Sur, ang tumanggap ng CLOA na sakahan na umabot sa 344.8695 ektarya ng lupang pang agrikultura.
Sa Sorsogon, pitong (7) magsasakang-benepisyaryo mula sa bayan ng Juban ang nabigyan ng kanilang mga e-title na umabot sa 18.9407 ektarya ng lupa. Sinundan ito ng 64 na magsasaka na tumanggap din ng titulo ng lupa na aabot sa 68 ektarya sa Ocampo, Camarines Sur.
May 67 benepisyaryo mula naman sa Bangon, Lupi sa Camarines Sur ang tumanggap ng titulo ng lupa na umabot sa 89 ektarya, habang 77 magsasaka naman ang nabigyan ng CLOA at c-title na sumasaklaw sa 168.8 ektarya sa Caramoan at Garchitorena.
Ibinahagi ni Engr. Romulo Britanico, Assistant Regional Director for Operations ng Bicol Region, na ang mga ipinamahaging titulo ng lupa ay ipinatupad sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
“Ang mga titulo ay simbolo na kayo na ang may-ari ng inyong sinasakang lupa. Ang pagtanggap ng titulo ay simbolo rin na ginampanan namin ang aming trabaho ng mahusay at matapat,” ani Britanico.
Pinayuhan din niya ang mga benepisyaryo na bungkalin ang lupa at gawing produktibo at pinaalalahanan sila sa kanilang obligasyon sa lupa.
“May kaakibat po na responsibilidad ang pagtanggap nitong titulo. Hinihiling ko lamang sa inyo na pagyamanin at gawing produktibo ang lupa.” dagdag pa niya.
Mula Enero hanggang sa kasalukuyan ng taong ito, ang DAR sa Bicol ay nakapamahagi na ng titulo ng lupa na umabot sa 698.6 ektarya ng lupang sakahan sa 408 na magsasakang-benepisyaryo nito.