images (17)

Pormal nang binuksan ang taunang Balik Eskwela Shoe Bazaar sa Marikina, nitong Lunes, Hulyo 8. Tampok sa nasabing bazaar ang 43 stall ng mga produktong yari sa balat at magtatagal ito hanggang Agosto 18, 2024. Matatagpuan ang shoe bazaar sa Marikina Freedom Park, sa tapat mismo ng City Hall.

Layunin ng programang ito na magbigay ng dekalidad at abot-kayang sapatos sa presyong pabrika, ito ay para sa mga estudyante at kanilang pamilya bilang paghahanda sa darating na pasukan.

Pinangunahan ni Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro, mga konsehal ng Marikina City at iba pang opisyal ng pamahalaang lungsod ang ribbon-cutting ceremony na nagmarka ng opisyal na pagbubukas ng bazaar. Sa mensahe ng Alkalde, binigyang-diin nito ang kahalagahan ng kaganapan para sa komunidad, na hindi lamang nakikinabang ang mga taga-Marikina kundi pati na rin ang mga kalapit na lugar.

“Napakalaking serbisyo po nito sa mga kababayan natin, hindi lang mga taga-Marikina, kundi pati sa mga karatig pook natin,” sabi niya. “Makakakuha sila ng sapatos na matibay, maganda, maayos at murang halaga,” dagdag pa ng Alkalde.

Binanggit din ng Alkalde, na sa pagbili ng mga produktong yari sa balat tulad ng sapatos, sinusuportahan ng mga tao ang mga lokal na negosyo, na nakatutulong sa kanilang pag-unlad.

“At marami rin tayo natutulungan, pati sa kanilang kabuhayan. Nakikita ko ang ibang bumibili rito, hindi lang naman isang piraso lang, kundi may mga bumibili rin ng maramihan,” sabi pa niya.

Nagpahayag ng pasasalamat si Mayor Teodoro kay Tony Andres, chairperson ng Philippine Footwear Federation, Inc., at sa lahat ng sangkot sa pag-organisa ng shoe bazaar.

“Salamat po, salamat sa lahat ng naririto, sa mga nagtataguyod at patuloy na pagsisikap para sa pagsasa-ayos ng proyektong ito,” pahayag niya.

Inaasahan na makakakuha ng maraming tao ang Balik Eskwela Shoe Bazaar, na nagpapakita ng kilalang husay ng industriya ng sapatos ng Marikina at sumusuporta sa mga lokal na negosyo.

imageimages (16)

 

images (15)