image

SAN JUAN CITY — Nilinaw ni Atty. Cristina Conti ng International Criminal Court (ICC) na hindi pa tumatanggi ang Belgium bilang third country host kung sakaling payagan ang pansamantalang pagpapalaya (interim release) ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Duterte ay nahaharap sa kasong crimes against humanity kaugnay ng war on drugs na umano’y ikinasawi ng mahigit 6,000 inosente. Tinutulan ni Atty. Conti at ng ICC Prosecution ang hiling na interim release dahil sa banta ng pagtakas, batay sa naunang arrest warrant na inilabas noong Marso 7, 2025, at ipinatupad sa Pilipinas noong Marso 11.

Sa isang media forum, sinabi ni Conti na si Duterte ang kauna-unahang Pilipino at Asyano na nakakulong sa ICC. Ayon sa kanya, ang ICC Detention Facility ay may access sa gym, library, at internet, pero mahigpit ang seguridad. May trust fund din para sa pamasahe ng mga biktima at may 200 minutong komunikasyon ang bawat detainee sa kanilang abogado kada buwan.

Binigyang-diin niya na hindi ibinunyag sa mga biktima ang mga kondisyon ng hinihinging pagpapalaya ni Duterte. Binanggit din niya ang pahayag ni Atty. Leila de Lima sa Senado tungkol sa umano’y pagpapabilanggo noon ni Duterte kay Arturo Lascañas, miyembro ng Davao Death Squad.

Ayon kay Conti, pinalitan ng kampo ni Duterte ang unang napagkasunduang host country, ngunit walang detalye kung bakit. Dagdag pa niya, walang epekto ang kampanya ni VP Sara Duterte para sa pagpapalaya ng kanyang ama dahil walang tinatawag na “audience effect” sa ICC.

May dalawang isyu sa ICC: ang interim release at ang jurisdiction challenge, na parehong tatalakayin sa paglilitis sa Setyembre 23, 2025. Ayon kay Conti, posibleng may iba pang Pilipino na maaresto habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng ICC, na may 124–125 kasaping bansa.

Paliwanag niya, ang crimes against humanity ay sistematikong pag-atake sa sibilyan na saklaw ng RA 9851, habang ang EJK cases ay maaaring ihain sa mga lokal na korte.

“Pareho tayong tutol sa droga, pero dapat legal ang paraan,” aniya. “Hindi mo mapapalitan ang dilim ng isa pang dilim. Liwanag ang kailangan,” dagdag ni Conti, na humalaw sa salita ni Martin Luther King Jr.

Tantiya niya, aabutin ng tatlong taon bago lumabas ang pinal na desisyon ng ICC. Ngunit kung ang mga krimen ay nangyari habang hindi miyembro ang Pilipinas ng ICC (matapos kumalas noong 2019), hindi ito pwedeng gamitin sa kaso—maliban na lang kung sakop ito ng panahon nang muli tayong naging kasapi.

image