MANILA HOTEL — Ipinagdiwang ng Department of Science and Technology–Philippine Textile Research Institute (DOST-PTRI) nitong Huwebes, Hunyo 26, ang Ika-50 Anibersaryo ng Institute of Plant Breeding (IPB) ng College of Agriculture and Food Science (CAFS), University of the Philippines Los Baños (UPLB).
Bilang bahagi ng selebrasyon, isinagawa ang KatHABI: Fashion Innovation Show x IPB Abaca Hybrid, na inorganisa sa pagtutulungan ng IPB-UPLB, Department of Science and Technology–Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD), at DOST-PTRI.
Naging panauhing pandangal sa okasyon si First Lady Louise “Liza” Araneta-Marcos.
Dumalo rin sa event sina National Scientist Dr. Emil Q. Javier, ang kauna-unahang Tagapangulo ng IPB; DOST Secretary Renato Solidum, Jr.; DOST-PTRI Director Dr. Julius Leano, Jr.; DOST- PCAARRD Executive Director Dr. Reynaldo V. Evora; DOST Undersecretary Dr. Lea Buendia; DBM Secretary Amina Pangandaman; IPB Director Elmer Anicola; Dr. Jayme C. Montoya; at Dr. David Mckyll, bukod sa iba pa.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Dir. Anicola:
“Ipinagdiriwang natin ang 50 taon ng inobasyon at paglago ng IPB sa larangan ng plant breeding.”
Ayon kay Sec. Solidum,
“Isang karangalan ang makasama sa pagdiriwang ng 50 taon ng IPB. Hindi lamang ito isang fashion show ng bagong abaca hybrid, kundi kwento ng tagumpay ng agham sa agrikultura.”
Dagdag pa niya, ang proyektong ito ay suporta sa Republic Act 9242 o Philippine Tropical Fabrics Law.
“Ito ang tunay na sining at agham,” aniya.
Ibinahagi rin ni Dr. Leano ang kahulugan ng KatHABI:
“Ang ‘Katha’ ay nangangahulugang lumikha at ‘Habi’ ay tumutukoy sa paghabi. Ang KatHABI ay hindi lang palabas, kundi bintana ng inobasyon.”
Kinilala naman ni Dr. Javier ang kontribusyon ng Dr. Dioscoro Umali, na tinaguriang “Ama ng Makabagong Plant Breeding sa Pilipinas.”
“Ang hybrid na abaca na ating inilunsad ay handog bilang parangal kay Dr. Umali,” ani Dr. Javier.
Ibinahagi rin niya na inabot ng higit 30 taon upang mabuo ang bagong abaca hybrid na ligtas sa sakit na sumira sa orihinal na abaca variety, isa sa pangunahing export product ng bansa noon.
“Hindi magiging makabuluhan ang agham kung hindi ito maisasalin sa produktong kapaki-pakinabang,” dagdag pa ni Dr. Javier, na binigyang-diin din ni Sec. Solidum.
Ang fashion gala ay tampok ang mga kasuotang gawa sa Philippine Tropical Fabrics—sustainable na pinaghalong cotton, pinya, at bagong hybrid na abaca.
Itinampok sa programa ang mga likha ng lokal na disenyo, gamit ang katutubong hibla, bilang patunay ng husay ng mga Pilipino sa larangan ng sustainable fashion.
Ang KatHABI Fashion Innovation Show ay bahagi ng International Plant Breeding Conference, kung saan ang mga opisyal ng DOST mismo ang nagsuot at nagpakita ng kanilang mga barong at Filipiniana na gawa sa lokal na tela.