LUBOG SA UTANG, LUGMOK SA TAAS-LANGIS: MAMAMAYAN NAG-AALSA NA

QUEZON CITY — Sumisidhi ang krisis pang-ekonomiya sa bansa matapos umabot sa ₱18.31 trilyon ang utang panlabas ngayong Enero 2026, kasabay ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis at pangunahing bilihin.
 
Dahil dito, nagbabala ang iba’t ibang progresibong grupo na lalo pang lulubog sa kahirapan ang mga Pilipino habang nananatiling kulang ang tugon ng pamahalaan sa lumalalang global oil crisis.
 
Sa isang press conference na dinaluhan ng iba’t ibang organisasyon, sinabi ni Sophie Rizalde ng SANLAKAS na ang tensyon sa Gitnang Silangan, lalo na ang digmaan na kinasasangkutan ng Estados Unidos, Israel, at Iran, ang nagtulak sa pagtaas ng presyo ng langis sa buong mundo.
 
Giit niya, walang sapat na hakbang ang pamahalaan upang pigilan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo, kaya nanawagan sila sa publiko na makilahok sa kilos-protesta at transport strike ngayong Huwebes at Biyernes.
 
Ayon naman kay Princess Nemenzo ng PHILCUBA, lumalala ang kahirapan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, at iniugnay ito sa impluwensiya ng Estados Unidos sa iba’t ibang bansa. Binanggit din niya ang karanasan ng Cuba sa kolonyalismo at ang pagtatatag nito ng sistemang sosyalista.

Sinabi ni Rovik Obanil ng Freedom from Debt Coalition (FDC) na mabagal ang takbo ng ekonomiya, batay sa 4.4% GDP growth noong nakaraang taon—ang pinakamababa sa loob ng 14 na taon. Dagdag pa niya, posibleng umabot sa ₱19 trilyon ang utang ng bansa.
 
Binatikos din niya ang pagtanggal sa Oil Price Stabilization Fund at ang pagbebenta ng Petron, na aniya’y sana’y nakatulong sa pagkontrol ng presyo ng langis.
 
Ibinahagi naman ni Flora Pasicolan ng Oriang na matindi ang epekto ng krisis sa mga pamilya, lalo na sa kababaihan na nangangasiwa sa badyet sa bahay.
 
Ayon kay Laica Rayel ng PMCJ, mas lalala pa ang epekto nito sa pagpasok ng tag-init, na makakaapekto sa presyo ng bilihin at kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda. Iminungkahi niya ang paglipat sa renewable energy.
 
Giit ni Egay Cabalitan ng PAHRA, dapat papanagutin ang malalaking kompanya ng langis sa umano’y pagsasamantala sa sitwasyon.
 
Samantala, sinabi ni Luke Espiritu ng BMP na maaaring umabot sa ₱100 hanggang ₱160 kada litro ang diesel kung magpapatuloy ang krisis. Binatikos din niya ang Executive Order No. 110, na aniya’y pabor lamang sa mga kumpanya ng langis sa kabila ng subsidiya.
 
Ayon kay Luisa Feca ng K4K, labis na apektado ang maliliit na negosyante at vendor sa pagtaas ng presyo ng langis at pamasahe.
 
Para naman kay Sonny Melencio ng PLM, ang deklarasyon ng “State of National Energy Emergency” ay hindi sapat at nagsisilbi lamang sa interes ng malalaking kumpanya. Binigyang-diin din niya ang panawagan laban sa mga digmaan sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
 
Nagkakaisa ang mga grupo sa pagsuporta sa malawakang protesta na may panawagang ibaba ang presyo ng langis, labanan ang kahirapan, at protektahan ang mamamayan laban sa umano’y pagsasamantala ng mga kapitalista at dinastiya.
Facebook Comments