LIBRENG REHABILITASYON PARA SA PWDs, PINALAKAS NG DOST-EMPOWER-INDIBA PARTNERSHIP

MAKATI CITY — Pormal nang inilunsad ang isang makabagong programa para sa libreng rehabilitasyon ng mga persons with disabilities (PWDs) matapos lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) ang Department of Science and Technology–National Capital Region (DOST-NCR), Project EMPOWER, at INDIBA Philippines noong Martes, Marso 24, sa tanggapan ng INDIBA sa Century Diamond Tower.
 
Layunin ng partnership na palawakin ang access sa abot-kaya at dekalidad na serbisyong pangkalusugan gamit ang agham, teknolohiya, at inobasyon.
 
Ayon kay Project EMPOWER President John Darnell “JV” Castro, mula sa simpleng usapan ay naging malawakang kolaborasyon ang programa para sa kapakanan ng mga PWD. Ibinahagi rin niya ang kanyang personal na karanasan sa sakit at kung paano siya natulungan ng teknolohiya ng INDIBA.
 
“Marami sa mga PWD ang hindi nakakayanang ipagpatuloy ang gamutan dahil sa gastos. Kaya mahalagang maging libre at tuluy-tuloy ang serbisyong ito,” ani Castro.
 
Sa ilalim ng temang “Advancing Inclusive Health, Rehabilitation, and Empowerment through Science, Technology, and Innovation,” ilulunsad ang libreng adaptive fitness at rehabilitation program para sa mga benepisyaryo.
Binigyang-diin ni DOST-NCR Regional Director Engr. Romelen T. Tresvalles na patunay ang partnership na nagiging konkretong solusyon ang agham para sa marginalized sector, kabilang ang mga PWD, sa pamamagitan ng mga programang gaya ng NICER at “Agham na Ramdam.”

Suportado rin ito ni DOST Undersecretary Engr. Sancho A. Mabborang, na nagsabing mahalaga ang ganitong kolaborasyon upang mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.

“Ang agham ay para sa lahat—hindi ito namimili,” ani Mabborang, kasabay ng panawagan ng mas malawak at tuluy-tuloy na suporta mula sa pamahalaan at iba’t ibang sektor upang mas mapalawak pa ang ganitong mga programang inklusibo.

Sa panig ng INDIBA, sinabi ni Chief Commercial Officer Chung-Chieh Jen na layunin nilang gawing mas accessible ang makabagong teknolohiya sa rehabilitasyon. Dagdag naman ni Philippine Business Director Jacqueline Y. Guerrero, isang karangalan para sa kanila ang maging bahagi ng proyekto.

Sa kabuuan, inaasahang makatutulong ang inisyatibong ito hindi lamang sa pagpapalawak ng access sa rehabilitasyon kundi pati sa pagbibigay ng mas maayos, mas produktibo, at mas inklusibong pamumuhay para sa mga PWD sa buong bansa.
Facebook Comments