DOST-NCR, Pinalalakas ang Disaster Response at Inobasyon sa Muntinlupa sa pamamagitan ng MoCCoV at iHub

MUNTINLUPA CITY — Mas pinalalakas ng Department of Science and Technology-NCR (DOST-NCR) ang kakayahan ng lungsod sa pagtugon sa sakuna at pagpapaunlad ng inobasyon matapos mag-turnover ng makabagong teknolohiya at magbukas ng kauna-unahang Innovation Hub (iHub) sa lungsod.

Noong Abril 17, 2026, ibinigay ng DOST-NCR sa Pamahalaang Lungsod ng Muntinlupa ang Mobile Command and Control Vehicle with Triage Technology (MoCCoV). Layunin nitong tulungan ang mga lokal na opisyal at emergency responders na makagawa ng mas mabilis at siyentipikong desisyon sa panahon ng kalamidad.

Ang MoCCoV ay kumpleto sa mga makabagong kagamitan tulad ng weather monitoring system, rescue drone, satellite communication, at iba’t ibang rescue at medical tools. Mayroon din itong portable boat, conference room, at kayang magsilbing mobile command center para sa koordinasyon ng mga operasyon. Gumagamit din ito ng solar at wind energy upang masiguro ang tuloy-tuloy na operasyon kahit may brownout.

Dinisenyo ang teknolohiyang ito upang mapabilis ang pagkuha at pagproseso ng real-time data, na mahalaga sa mas epektibong pagdedesisyon at tamang paglalaan ng resources sa gitna ng emergency. Ang MoCCoV ay likha ng Filipino inventor na si Dennis Abella at ipinapamahagi sa mga lokal na pamahalaan sa ilalim ng programang CEST ng DOST

Samantala, binuksan din ng DOST-NCR ang kauna-unahang Innovation Hub (iHub) sa Colegio de Muntinlupa. Layunin nitong palakasin ang entrepreneurship at maghatid ng mga makabagong solusyon sa mga komunidad sa Metro Manila, lalo na sa Muntinlupa, Taguig, Pateros, Parañaque, at Las Piñas o MUNTAPARLAS area.

 

Ang iHub ay isang bukas at kolaboratibong espasyo para sa mga estudyante, mananaliksik, startup, at mga negosyante. Dito, maaari silang makakuha ng mentoring, training, at access sa modernong kagamitan upang mapaunlad ang kanilang mga ideya tungo sa mga produktong handa na sa merkado.

Bahagi rin ng iHub ang Project SARAI CENTRO Hub na nakatuon sa paggamit ng agham at teknolohiya upang matulungan ang sektor ng agrikultura. Layunin nitong tulungan ang mga magsasaka na makasabay sa climate change, mapataas ang ani, at mapatatag ang kanilang kabuhayan.

Ayon sa DOST-NCR, hindi lamang pasilidad ang iHub kundi isang tulay na mag-uugnay sa agham, teknolohiya, at komunidad upang makalikha ng mga solusyong angkop sa pangangailangan ng lokal na mamamayan. Ito rin ay bahagi ng mas malawak na layunin na gawing “smart city” ang Muntinlupa, kasabay ng patuloy na pag-unlad nito.

Facebook Comments