PCSO, nagdagdag ng ₱1.16-B ambag sa PhilHealth; aabot sa ₱13.98-B ang kabuuang kontribusyon simula 2022

MANDALUYONG CITY — Inaprubahan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Board ang karagdagang ₱1.16 bilyong kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa 2026 alinsunod sa Universal Health Care (UHC) Act.

Dahil dito, aabot na sa ₱3.85 bilyon ang kabuuang ambag ng PCSO sa PhilHealth ngayong taon, habang tinatayang magiging ₱13.98 bilyon ang kabuuang naipapadala ng ahensya mula 2022 hanggang sa pagtatapos ng 2026.

Ayon sa PCSO, nakapag-remit na ito ng ₱11.47 bilyon sa pamamagitan ng Bureau of the Treasury mula 2022 hanggang unang kalahati ng 2026. Inaasahan pang madaragdagan ito ng ₱2.51 bilyon sa ikalawang kalahati ng taon.

Sinabi ni PCSO General Manager Melquiades A. Robles na malaking tulong ang mga kontribusyong ito upang mapalakas ang serbisyong pangkalusugan ng PhilHealth at mabawasan ang gastusing medikal ng mga pamilyang Pilipino.

Sa ilalim ng UHC Act, inaatasan ang PCSO na ilaan ang 40 porsiyento ng Charity Fund nito upang suportahan ang pagpapatupad ng Universal Health Care at mapanatili ang mga benepisyo ng mga miyembro ng PhilHealth at kanilang mga kwalipikadong dependents.

Binigyang-diin din ni Robles na bukod sa pagtupad sa batas, bahagi rin ito ng misyon ng PCSO na maibalik sa mamamayan ang kita ng ahensya sa pamamagitan ng mga programang pangkalusugan at serbisyong kawanggawa.

May be an image of text

Facebook Comments