QUEZON CITY – Lumago ang mga deposito sa mga bangko isang taon matapos itaas ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ang maximum deposit insurance coverage (MDIC) sa ₱1 milyon kada depositor, kada bangko, na nagsimulang ipatupad noong Marso 15, 2025.
Ito ang ibinahagi ng PDIC sa isinagawang “PDIC 101: Understanding Deposit Insurance” sa pakikipagtulungan ng Philippine Information Agency (PIA) sa PIA Auditorium noong Agosto 5.
Ayon kay PDIC Vice President Jose G. Villaret Jr., umabot sa 9.8 porsiyento ang paglago ng kabuuang deposito sa mga bangko pagsapit ng katapusan ng Marso 2026. Mas mataas ito kumpara sa 5.3 porsiyento na naitala sa kaparehong panahon noong 2024, bago ipinatupad ang mas mataas na insurance coverage.
Pinakamalaki ang itinaas ng mga deposito ng mga may balanseng lampas ₱1 milyon, na umabot sa 10.3 porsiyento, halos doble sa 5.4 porsiyento noong nakaraang taon. Naitala rin ang pinakamalalaking pagtaas sa mga thrift at rural bank, na nagpapakita ng lumalakas na kumpiyansa ng publiko sa sistema ng pagbabangko.
Sinabi ni Villaret na nakatulong ang pagtaas ng deposit insurance coverage upang higit na mapatatag ang tiwala ng publiko at mahikayat ang mas maraming Pilipino na panatilihin ang kanilang ipon sa mga bangko.
Ayon pa sa PDIC, kabilang ang Pilipinas sa may pinakamalakas na deposit insurance coverage sa rehiyon ng ASEAN batay sa lawak ng proteksiyon na inihahambing sa gross domestic product (GDP) per capita.
Ang pagtaas ng maximum deposit insurance coverage sa ₱1 milyon ang unang pagbabago sa loob ng 16 na taon. Layunin nitong mapanatiling sapat ang proteksiyon sa mga depositor sa gitna ng inflation, makasabay sa pandaigdigang pamantayan, at matugunan ang nagbabagong pangangailangan ng mga nag-iimpok