DOST-PCAARRD, UPLB PINALALAKAS ANG CLIMATE RESILIENCE NG SMALL ISLAND COMMUNITIES

mail.webp

LOS BAÑOS, Laguna — Isinusulong ng Department of Science and Technology–Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (DOST-PCAARRD) at University of the Philippines Los Baños (UPLB) ang mas matatag na mga hakbang sa climate change adaptation para sa maliliit na komunidad sa mga isla ng bansa.

Sa pamamagitan ng “Island ReGen: Assessment of the Resilience of Small Island Communities and Gender Roles Towards Alleviating Climate Change Impacts,” sinuri ng proyekto ang kalagayan ng ecological, agricultural, at social resilience ng mga komunidad sa Marinduque at Busuanga, Palawan.

Isinagawa ang proyekto sa loob ng dalawang taon at apat na buwan, mula Pebrero 2024 hanggang Abril 2026. Tiningnan din nito ang papel ng kababaihan at kalalakihan sa climate adaptation at pangangalaga ng biodiversity.

Batay sa pag-aaral, kapwa nakitaan ng katamtamang antas ng resilience sa epekto ng climate change ang Marinduque at Busuanga. Kabilang sa kanilang mga kalakasan ang disaster management, ecotourism, at community-based management ng mga likas na yaman.

Gayunman, nananatiling vulnerable ang mga komunidad sa epekto ng climate change kaya kailangan pang palakasin ang kanilang kakayahang umangkop at tumugon sa mga panganib sa kapaligiran.

Binigyang-diin din ng pag-aaral ang kahalagahan ng tradisyunal na kaalaman sa pangangalaga ng kalikasan, biodiversity, lokal na uri ng pananim, at pagtutulungan ng iba’t ibang sektor.

Kabilang sa mga inirekomendang hakbang ang pagpapalakas ng environmental watch groups, paggamit ng climate-resilient agricultural technologies, pagpapalawak ng market linkages para sa lokal na produkto, pagpapabuti ng health systems, at pangangalaga sa mga lokal na pananim at katutubong yaman.

Inirekomenda rin ang mas aktibong climate action, nature-based solutions, mahigpit na pagpapatupad ng environmental laws, at pagsasama ng gender considerations sa mga lokal na programa para sa climate adaptation.

Sa isinagawang terminal review, iminungkahi ring iugnay ang mga resulta ng proyekto sa mga lokal at pambansang plano, kabilang ang Local Climate Change Action Plan (LCCAP) at Comprehensive Land Use Plans (CLUPs), upang mas magamit ng mga lokal na pamahalaan ang mga natuklasan ng pag-aaral.

Nakipagtulungan ang proyekto sa mga munisipalidad ng Boac, Buenavista, Busuanga at Coron, gayundin sa mga paaralan at community organizations.

Ayon sa DOST-PCAARRD, makatutulong ang Project Island ReGen sa pagbuo ng mga evidence-based at lokal na solusyon para mapalakas ang climate resilience, biodiversity conservation at sustainable development ng mga small island communities sa bansa.

Facebook Comments