QUEZON CITY — Isinusulong ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) ang Risk-Based Assessment System (RBAS) na layong gawing mas patas ang paraan ng paniningil ng premium sa deposit insurance at higit pang palakasin ang risk management ng mga bangko.
Ito ang binigyang-diin ni PDIC General Counsel Maria Antonette I. Brillantes-Bolivar sa panel discussion sa 52nd Annual Convention ng Chamber of Thrift Banks (CTB).
Ayon kay Brillantes-Bolivar, mahalaga pa rin ang tiwala ng publiko sa katatagan ng sistema ng pagbabangko kahit patuloy na nagbabago ang sektor dahil sa digital transformation. Nakaugat ang tiwalang ito sa maayos na pamamahala, responsableng risk management, at matatatag na institusyon.
Ang RBAS ay binuo ng PDIC katuwang ang World Bank Group. Sa halip na iisang rate para sa lahat ng bangko, ibabatay nito ang premium sa risk profile ng bawat bangko, kabilang ang kalagayang pinansyal, governance, at risk management practices.
Sa kasalukuyang sistema, pare-pareho ang assessment na binabayaran ng mga bangko na katumbas ng one-fifth of one percent ng kanilang kabuuang deposit liabilities.
Sa ilalim ng RBAS, layunin ng PDIC na kilalanin ang mga bangkong maayos na namamahala sa kanilang mga panganib at hikayatin ang buong industriya na patuloy na palakasin ang financial stability at resilience.
Mahalaga ang repormang ito sa thrift banking sector na nagsisilbi sa mahigit 10.4 milyong deposit accounts sa buong bansa. Kabilang sa mga pangunahing kliyente ng thrift banks ang mga pamilya, negosyante, at maliliit at katamtamang negosyo.
Binigyang-diin din ng PDIC na sa pagsabay ng teknolohikal na inobasyon at malakas na ugnayan ng mga bangko sa mga komunidad, higit pang mapalalawak ang access ng mga Pilipino sa formal financial services.
Bago tuluyang ipatupad ang RBAS, magsasagawa ang PDIC ng isang taong shadow run upang mabigyan ng panahon ang mga bangko na maunawaan ang sistema, matukoy ang mga kailangang pagbutihin, at mapalakas ang kanilang risk management systems.
Tiniyak din ng PDIC ang mahigpit na confidentiality measures para sa bank-specific assessments, simulated scores, at risk ratings. May mga mekanismo rin para sa review at paglilinaw, gayundin ang regular na pagre-recalibrate ng sistema upang umangkop sa pagbabago ng industriya.
Ang RBAS ay nakaayon sa Core Principles for Effective Deposit Insurance Systems ng International Association of Deposit Insurers (IADI), na nagtatakda ng mga pamantayan para sa risk-based o differential premium systems.
Sa kabuuan, sinabi ng PDIC na ang RBAS ay hindi lamang bagong paraan ng pagtatakda ng assessment kundi isang hakbang tungo sa mas patas, mas matatag at mas resilient na sistema ng deposit insurance na makikinabang ang mga bangko, depositors, at buong ekonomiya.
“RBAS is not about imposing additional burden on banks. It is about creating greater fairness, stronger incentives, and a more resilient banking system,” ani Brillantes-Bolivar.