KWF, TINUTUTUKAN ANG PAGPAPAYABONG NG MGA WIKA SA MGA PAARALAN SA KIDAPAWAN

bbf6577f-49d7-450f-9ee7-7d1b0fe03cff.jfif

KIDAPAWAN CITY — Nagsagawa ng courtesy call ang mga opisyal ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa Department of Education (DepEd) Kidapawan City Division noong Setyembre 10, 2026 upang talakayin ang mga posibleng programa at proyekto para sa higit pang pagpapayabong at pagsusulong ng mga wika sa mga paaralan.

Pinangunahan nina KWF Tagapangulong Atty. Marites A. Barrios-Taran at Komisyoner Carmelita C. Abdurahman ang pagbisita sa tanggapan ng DepEd Kidapawan City Division.

Sa kanilang pagbisita, nakipagpulong ang mga opisyal ng KWF kina School Division Superintendent Miguel P. Fillalan Jr. at Assistant School Division Superintendent Jasmin P. Isla upang talakayin ang mga usaping may kaugnayan sa paggamit, pagpapaunlad at pagpapalaganap ng mga wika sa mga paaralan.

2facadbd-e275-471e-9241-34400f64e8e2.jfif

Kabilang sa mga tinalakay ang mga posibleng proyekto at programa na maaaring pagtulungang isagawa ng KWF at DepEd upang higit na mapalakas ang pagpapahalaga ng mga mag-aaral sa wika at kultura.

Layunin din ng naturang inisyatiba na mapalawak ang mga pagkakataon para sa paggamit at pagpapaunlad ng mga wika sa larangan ng edukasyon, lalo na sa mga programang maaaring ipatupad sa mga paaralan ng Kidapawan.

Ayon sa KWF, mahalaga ang pakikipagtulungan sa mga institusyong pang-edukasyon upang patuloy na mapangalagaan, mapaunlad at mapalaganap ang mga wika bilang mahalagang bahagi ng kultura at pagkakakilanlan ng mga pamayanan.

Facebook Comments