Hinimok ng Department of Transportation (DOTr) ang mga pribadong kompanya mula sa European Chamber of Commerce of the Philippines (ECCP) na tuklasin ang mga oportunidad sa pamumuhunan sa malalaking transport project ng bansa upang mapabuti ang araw-araw na pagbiyahe ng mga Pilipino.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palawakin ng DOTr ang pakikipagtulungan sa pribadong sektor, kabilang ang mga kilalang international firms, para higit na mapahusay ang sistema ng transportasyon.
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, umaasa ang DOTr na makikita ng pribadong sektor ang malawak na oportunidad sa mga proyekto ng ahensya na makatutulong sa paglago ng ekonomiya at pagtugon sa pangangailangan ng mga commuter.
Sinabi naman ni Transportation Undersecretary for Planning and Project Development Teodorico Delfin na mahalaga ang papel ng mga partner country at business community sa pagpapalakas ng mobility at connectivity sa bansa.
Kabilang sa mga pangunahing proyektong iniharap ni Delfin sa ASEAN 2026 Transportation Forum na inorganisa ng ECCP ang Metro Manila Subway Project, North-South Commuter Railway (NSCR), at Subic-Clark-Manila-Batangas Railway, na mag-uugnay sa mga pangunahing daungan at economic centers sa Luzon.
Kasama rin sa modernisasyon ng road transport ang EDSA Busway, Cebu Bus Rapid Transit (CBRT), Davao Public Transport Modernization Project (DPTMP), at mga active transport project.
Sa sektor naman ng aviation, binanggit ng DOTr ang mga natapos o isinasagawang proyekto sa Antique, Laoag, Siargao, Busuanga, Bicol, Bukidnon at Davao airports.
Ayon kay Delfin, ipinapasok din ang pribadong pamumuhunan at expertise sa mga pangunahing paliparan sa pamamagitan ng privatization ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Laguindingan Airport at Bohol-Panglao International Airport, upang higit na mapakinabangan ang kanilang potensyal.
Sinang-ayunan ito ni ECCP President Dr. Diana Edralin, na nagsabing mahalaga ang interconnected at sustainable transport network sa paglikha ng trabaho at economic opportunities sa mga bansang kabilang sa ASEAN.
Samantala, inilahad din nina Senior Undersecretary for Road Transport and Infrastructure Mark Steven Pastor at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Director General Raul Del Rosario ang iba pang proyekto para sa road safety, mobility at aviation.
Ayon kay Pastor, patuloy na pinaiigting ng DOTr ang whole-of-government approach sa road safety at umaasang makatutulong ang ASEAN Transportation Forum sa pagtugon sa mga hamon sa transportasyon sa pamamagitan ng cross-border cooperation, innovation at policy alignment.
Sinabi naman ni Del Rosario na isinusulong ng CAAP ang legislative reforms, digital modernization, proactive safety framework at public-private partnerships upang matiyak na ligtas, sustainable at competitive sa rehiyon ang Philippine civil aviation.