PCCI, Pinalakas ang Panawagan sa Mas Matatag at Mas Kompetitibong Negosyo

web-13

MANILA — Mahigit 1,000 negosyante at business delegates mula sa iba’t ibang rehiyon sa bansa at international network ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) ang inaasahang magtitipon sa Manila Hotel ngayong Oktubre 13 at 14 para sa 52nd Philippine Business Conference & Expo (PBC&E).

Ang taunang pagtitipon ay itinuturing na flagship business event ng PCCI na naglalayong pag-isahin ang mga lider ng negosyo, policymakers, economists at development partners para bumuo ng mga hakbang tungo sa mas matatag na paglago ng ekonomiya.

May temang “Raising the Bar: Empowering Business for a Resilient Future,” bibigyang-diin sa dalawang araw na kumperensya ang pagpapalakas ng business resilience, competitiveness at productivity sa gitna ng pabago-bagong kalagayan ng pandaigdigang ekonomiya.

Ayon kay PCCI President Perry A. Ferrer, mahalaga ang tema ngayong patuloy na naaapektuhan ang negosyo at pamumuhunan ng mabilis na pagbabago sa geopolitical landscape na nagdudulot ng economic instability at kawalan ng katiyakan sa kalakalan at pamumuhunan.

Tatalakayin sa plenary sessions ang mahahalagang sektor gaya ng energy at power, agriculture at food, infrastructure development, connectivity at digital trade, workforce empowerment, at ASEAN connectivity, kabilang ang isang espesyal na forum para sa mga susunod na lider.

Sinabi naman ni Butch Guerrero, Chairman ng 52nd PBC&E, na layunin ng mga sesyon na makatulong sa pagpapataas ng competitiveness at productivity ng micro, small and medium enterprises (MSMEs), lalo na sa mga oportunidad na dulot ng mga bagong pamumuhunan gaya ng Luzon Economic Corridor.

Isa sa mga tampok na bahagi nito ang paglalahad ng mga policy recommendations mula sa konsultasyon ng PCCI local chambers at sa 2026 Economic Security and Competitiveness Agenda—isang consolidated, SME-driven advocacy at reform agenda upang matiyak na makikinabang ang mga negosyong Pilipino sa corridor-driven growth.

Kabilang sa mga pangunahing saklaw ng agenda ang agriculture at food security, energy security, digital trade at e-commerce, at semiconductors at electronics.

Mayroon ding anim na cross-sectoral reform priorities na layong gawing mas malawak ang pakikilahok ng mga negosyo sa economic growth na dulot ng infrastructure investments.

Isinagawa ang mga public-private dialogue na pinangunahan ng PCCI sa suporta ng Center for International Private Enterprises (CIPE).

Facebook Comments