KWF, BUKAS ANG GA­WAD JULIAN CRUZ BALMASEDA 2027; ₱100K PARA SA MANANALO

48ccfbe0-b71e-4f2f-9dcd-8ac9ddd7711d.jfif

MANILA — Muling binubuksan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang Gawad Julian Cruz Balmaseda 2027 upang kilalanin ang natatanging tesis at disertasyong orihinal na isinulat sa Filipino sa larangan ng agham, matematika, agham panlipunan, humanidades at iba pang kaugnay na disiplina.

Layunin ng gawad na palaganapin ang paggamit ng Filipino at iba pang wika sa Pilipinas sa pagsusulat at publikasyon ng mga orihinal na akademikong pag-aaral, kabilang ang mga teksbuk at sangguniang materyales.

May dalawang kategorya ang patimpalak—tesis at disertasyon—na may tig-isang magwawagi. Bawat mananalo ay makatatanggap ng ₱100,000 na netong gantimpala, plake at medalya. Maaari namang walang manalo sa alinmang kategorya kung walang lahok na makatutugon sa pamantayan.

Bukas ang patimpalak sa mga mag-aaral sa antas gradwado (masterado at doktorado), maliban sa mga empleyado ng KWF at kanilang mga kaanak. Dapat naipagtanggol at naipasa ang tesis o disertasyon noong 2023 hanggang 2025, orihinal na isinulat at ipinagtanggol sa Filipino, hindi pa nailalathala bilang aklat, at hindi salin mula sa ibang wika.

Kailangang magsumite ng apat na limbag na kopya ng lahok na walang pagkakakilanlan ng may-akda, kasama ang curriculum vitae, pormularyo ng paglahok, notaryadong awtentipikasyon at katibayan ng etikong pananaliksik, mga rekomendasyon mula sa dalawang propesor, pinuno ng departamento at dekano, at digital na kopya sa USB drive. Dapat ding sundin ang KWF Manwal sa Masinop na Pagsulat sa pagbuo ng talababa, talasanggunian at iba pang bahagi ng manuskrito.

Ang mga lahok ay dapat ilagay sa expanding envelope na may pangalan at adres ng kalahok at ipadala sa:

Lupon sa Gawad Julian Cruz Balmaseda 2027
Komisyon sa Wikang Filipino
2P Gusaling Watson, 1610 Kalye J.P. Laurel,
1005 San Miguel, Lungsod Maynila

Ang huling araw ng pagsusumite ay Oktubre 30, 2026, ganap na alas-5 ng hapon. Para sa mga ipinadala sa koreo, tatanggapin lamang ang mga lahok na naipadala bago o sa itinakdang petsa.

Hindi na ibabalik ang mga isinumiteng dokumento, at nakalaan sa KWF ang unang opsiyon na mailathala ang mga nagwaging akda nang walang royalti sa may-akda. Pinal na rin ang pasiya ng lupon ng inampalan. Ang sinumang mapatunayang nangopya ay mawawalan ng parangal at hindi na muling makasasali sa alinmang timpalak ng KWF.

Para sa karagdagang impormasyon, maaaring mag-email sa timpalak.gawad@kwf.gov.ph.

Facebook Comments