MANILA, Philippines — Tinutulan ng mga eksperto sa mental health, sikolohiya at karapatan ng mga bata ang panukalang ganap na ipagbawal ang social media sa mga Pilipinong wala pang 18 taong gulang. Sa halip, iginiit nila ang mas mahigpit na proteksiyon, digital literacy at pagpapatupad ng mga patakaran ng mga platform.
Kasunod ito ng panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na masusing pag-aralan ang panukalang social media ban para sa mga menor de edad.
Sa press conference sa Novotel Manila Araneta City, sinabi ni Doreen Murata, specialist for Children’s Rights and Welfare ng Child Rights Network (CRN), na lumalaki ang mga kabataan sa panahong malaki ang impluwensiya ng mga algorithm. Aniya, dapat nakabatay sa aktuwal na pangangailangan at proteksiyon ng mga bata, hindi sa takot at pangamba, ang pagbalangkas ng mga batas.
Hinimok din ni Murata ang pagpapalakas ng Child Protection Policy sa mga paaralan at iba pang pasilidad ng pagkatuto, dahil magkakaiba ang karanasan at kalagayan ng bawat bata. Binigyang-diin din niyang kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may mataas na paggamit ng digital platforms.
Kinuwestiyon naman ni Dr. Ver Reyes, executive secretary ng Psychological Association of the Philippines (PAP), kung sapat bang solusyon ang pangkalahatang pagbabawal sa social media. Aniya, kailangan pa ng mas maraming pananaliksik upang matukoy kung sinu-sino ang naaapektuhan at kung paano sila matutulungan.
May mga kabataan din umanong patuloy na gumagamit ng social media sa pamamagitan ng iba’t ibang account. Nilinaw ni Reyes na hindi lahat ng digital platforms ay nakapipinsala, ngunit mahalagang maunawaan ang mga panganib at benepisyo ng mga ito. Dagdag niya, dapat maturuan ang mga kabataan kung saan at kanino hihingi ng tulong kapag nakaranas ng problema online.
Para kay Dr. Anthony Grecia ng Philippine Mental Health Association (PMHA), kailangang maprotektahan ang kabataan laban sa masasamang epekto ng digital platforms, ngunit dapat isaalang-alang ang kanilang antas ng digital literacy. Mahalaga rin aniya ang kahandaan ng mga magulang na gumabay at sumubaybay sa kanilang mga anak sa online at offline na kapaligiran, gayundin ang pagtugon sa kanilang biyolohikal, panlipunan at espirituwal na pangangailangan.
Ayon naman kay Ace Diloy, child protection specialist ng Stairway Foundation, mas malalim ang mga dahilan ng mga problemang kinakaharap ng mga bata at hindi lamang social media ang dapat sisihin.
Batay sa karanasan sa Australia, sinabi ni Diloy na maaaring lumipat lamang ang mga kabataan sa ibang social media platforms kapag ipinatupad ang pagbabawal. Kaya hindi dapat sa mga magulang lamang iasa ang online safety, kundi dapat ding magkaroon ng pananagutan ang mga teknikal na eksperto at digital platforms.
Hinimok din niya ang mga mambabatas na tiyaking may malinaw na pakinabang ang mga paghihigpit sa digital platforms. Dapat suportahan ang mga paaralan sa maagang pagtukoy at pag-iwas sa bullying, at tiyaking ang mga batas ay handa sa mga susunod na pagbabago, kabilang ang pag-unlad ng artificial intelligence (AI).
Binigyang-diin din ni Diloy ang kahalagahan ng pakikinig sa mga eksperto at tagapagtaguyod ng karapatan ng mga bata. Aniya, dapat gawing pangmatagalan at institusyonal ang mga programa ng pamahalaan, sa halip na magkakahiwalay at panandaliang hakbang lamang, gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
Dagdag niya, may mahahalagang probisyon ang Juvenile Delinquency Act, ngunit kailangan ang wastong pagpapatupad nito.
Sa halip na blanket ban, iminungkahi ng mga eksperto ang pagpapanatili ng umiiral na age restriction sa social media para sa mga batang wala pang 13 taong gulang, kasabay ng mas mahigpit na safeguards, pagpapalawak ng digital literacy at istriktong pagpapatupad ng mga patakaran ng mga platform.
Nagbabala silang maaaring magkaroon ng hindi inaasahang epekto ang blanket ban, kabilang ang pagkakait sa mga kabataan ng mahahalagang oportunidad, suliranin sa mental health at mas malaking panganib online. Binigyang-diin nilang dapat nakabatay sa siyentipikong pag-aaral at aktuwal na pangangailangan ng kabataan ang mga patakaran upang maging epektibo ang kanilang proteksiyon.