100,000 PANDESAL, IPINAMAHAGI; GUTOM SA BANSA, BINIRA NI TINIO

4de729e3-c468-4c96-a71d-c99c3fc55c67.jfif

QUEZON CITY — Hindi lamang libreng pandesal kundi panawagan laban sa kagutuman ang tampok sa pagdiriwang ng World Pandesal Day sa Kamuning Bakery and Cafe noong Biyernes, Oktubre 16, kung saan 100,000 pandesal, Eden Cheese, Clara Olé fruit jams at iba pang pagkain ang ipinamahagi.

Layunin ng taunang World Pandesal Day Forum na parangalan ang pandesal bilang bahagi ng kulturang Pilipino at bigyang-diin ang pangangailangang sugpuin ang kagutuman, kasabay ng World Food Day ng United Nations.

Nagpaabot ng suporta at pagbati sina Quezon City Mayor Joy Belmonte, Education Secretary Sonny Angara, Senate President Sherwin Gatchalian, dating Senador Grace Poe Llamanzares, First Lady Liza Araneta-Marcos, Vice President Sara Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte para sa pagdiriwang at adbokasiya ng Kamuning Bakery at Wilson Lee Flores.

41333fa1-7a70-4879-a85a-c18b7a9ccfb2.jfif

Binigyang-pugay ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio si Flores sa kanyang adbokasiyang nakatutulong sa mga Pilipino. Si Tinio ay isa sa mga pangunahing may-akda ng Republic Act No. 10653, na nilagdaan noong Pebrero 12, 2015. Itinaas ng batas ang halagang hindi saklaw ng income tax para sa 13th-month pay at iba pang benepisyo mula ₱30,000 tungong ₱82,000 para sa mga empleyado ng pampubliko at pribadong sektor.

Sa forum, binanggit ni Tinio ang pagtaas ng presyo ng pagkain at mga pangunahing bilihin, kabilang ang tinatawag na “dog rice.” Binigyang-diin niyang kailangang tugunan ang kagutuman at palakasin ang lokal na produksyon ng pagkain upang hindi umasa ang bansa sa importasyon.

“Ang problema, tayo ang pinakamalaking importer sa mundo. Dapat gumawa tayo ng sarili nating pagkain at makamit ang food security,” ani Tinio.

1a4c8386-a209-48bd-a037-2a7fe6d5381a.jfif

Panauhing pandangal sa pagtitipon si Boots Anson Roa, tagapangulo ng Movie Workers Welfare Foundation (Mowelfund) at award-winning actress. Nang tanungin tungkol sa paborito niyang palaman, sinabi niyang kumpleto na ang pandesal at hindi na nangangailangan ng dagdag na palaman.

“Tayo ang asin ng sanlibutan. At ang pandesal ang paboritong almusal ng mga pamilyang Pilipino,” ani Roa, na bumati rin kay Tinio sa kanyang pagiging kinatawan ng ACT Teachers Party-list.

3d044dc9-3a50-4b42-8a8e-15592e5a0f00.jfif

Ibinahagi naman ni Tinio na noong bata pa siya, kumakain siya ng pandesal na may peanut butter sa bahay ng kanyang lola. Binigyang-diin din niyang mga bata ang higit na naaapektuhan ng kagutuman, kaya dapat tiyakin ng bansa ang sapat na pagkain para sa mga mamamayan sa halip na umasa sa inaangkat mula sa ibang bansa.

“Kung malaya tayong bansa, dapat kaya nating magbigay ng sapat na pagkain sa ating mga kababayan at hindi umasa sa importasyon,” ani Tinio

22aa686f-a206-4dba-8750-2c1c74a0eace.jfif

Facebook Comments