PAMPANGA — Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na matatapos sa itinakdang panahon ang mga pabahay para sa mga pamilyang apektado ng konstruksyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) matapos inspeksiyunin ang mga relocation site sa Mexico at Angeles City, Pampanga.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., layunin ng DOTr na matiyak na maililipat sa maayos at disenteng tirahan ang mga apektadong pamilya habang tinatapos ang malaking proyektong pang-imprastraktura.
Ayon kay Transportation Secretary Banoy Lopez, patuloy ang pagtutulungan ng National Housing Authority (NHA) at mga lokal na pamahalaan sa Pampanga upang makumpleto ang mga pabahay sa San Fernando View Residences at Casa de Angeles pagsapit ng 2027.
Binigyang-diin ni Lopez na tututukan ng DOTr ang konstruksyon upang maabot ang target na pagtatapos at matiyak na walang pamilyang maaapektuhan ang maiiwang walang matitirhan.
Pinangunahan ni DOTr Assistant Secretary for Right-of-Way and Site Acquisition (ROWSA) IC Calaguas ang inspeksiyon upang matiyak ang maayos na pagkakagawa ng mga housing unit at ang pagsunod sa iskedyul ng konstruksyon.
Sa San Fernando View Residences (SFVR) sa Mexico, Pampanga, nakalaan ang 288 housing unit sa apat na gusaling may tig-aapat na palapag. Target makumpleto sa Nobyembre 2026 ang SFVR Phases 1 at 2, habang Nobyembre 2027 naman ang target na pagtatapos ng Phase 4, na may anim na gusali.
Ipinahayag ni Mexico Mayor Rodencio Gonzales ang buong suporta ng lokal na pamahalaan sa proyekto. Aniya, tinanggap ng bayan ang mga residenteng inilipat doon sa kabila ng malaking responsibilidad, at patuloy na susuportahan ang mga proyekto ng pambansang pamahalaan para sa kapakanan ng mamamayan.
Samantala, itinatayo naman ng DOTr sa pamamagitan ng NHA ang kauna-unahang medium-rise relocation site sa Angeles City, na binubuo ng mga gusaling may tig-aapat na palapag at kabuuang 615 housing unit. Target itong matapos sa Disyembre 2027.
Muling tiniyak ni Angeles City Mayor Carmelo Lazatin II ang suporta ng lungsod sa mga proyektong pang-imprastraktura at relokasyon ng pambansang pamahalaan. Nagpasalamat din siya sa tulong ng DOTr para mabigyan ng abot-kayang pabahay ang mga pamilyang maililipat, na inaasahang magkakaroon ng permanenteng tahanan at hindi na mananatiling informal settlers.
Ayon kay Calaguas, patuloy na babantayan ng DOTr, katuwang ang NHA at mga lokal na pamahalaan, ang konstruksyon upang mapabilis ang pagkumpleto ng mga pabahay at matiyak ang maayos na relokasyon ng mga pamilyang apektado ng NSCR.