KWF, NAKIISA SA PAMBANSANG KONGRESO NG MGA GURO AT MANANALIKSIK SA EDUKASYON

72032d21-aa0e-4695-a7a6-edc5a401593d.jfif

LEGAZPI CITY — Nakiisa ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa SULO: National Educators Research Congress 2026 na ginanap noong Oktubre 1–3 sa Bicol University, Lungsod Legazpi, sa layuning isulong ang makabuluhang pagtuturo at pagkatuto tungo sa pagbabago ng lipunan.

Nagbigay ng inspirasyonal na mensahe si KWF Chairperson Atty. Marites A. Barrios-Taran sa pagbubukas ng kongreso noong Oktubre 1, na nagtipon sa mga kinatawan ng sektor ng edukasyon at pananaliksik.

Sinimulan ang programa sa pambungad na pananalita ni Dr. Evelyn C. Oliquino, Komisyoner para sa Wikang Bicol ng KWF. Sinundan ito ng mensahe ni Dr. Baby Boy Benjamin D. Nebres III, pangulo ng Bicol University.

62f769b5-27a2-433f-a4e2-b2544d43592f.jfif

Dumalo rin sa pambansang kongreso si Dr. Carmelita C. Abdurahman, Full-time Komisyoner para sa Programa at Proyekto ng KWF, bilang pagpapakita ng suporta ng komisyon sa naturang pagtitipon.

May temang “Teaching and Learning Towards Social Transformation: Advancing Sustainable Development Goals through Education,” binigyang-diin ng kongreso ang papel ng edukasyon sa pagsusulong ng pagbabago sa lipunan at pagtataguyod ng Sustainable Development Goals (SDGs).

Sa pamamagitan ng pagtitipon, binigyang-puwang ang pagpapalitan ng mga pananaw at kaalaman hinggil sa pagtuturo, pagkatuto at pananaliksik bilang mahahalagang bahagi ng pagpapaunlad ng edukasyon at pagkamit ng napapanatiling kaunlaran.

39ff024d-25df-4699-ae53-69b2a96365e3.jfif

 

Facebook Comments