PAGOD NA BA ANG PINOY? PAG-AARAL, SISILIP SA HANGGANAN NG KATATAGAN SA GITNA NG PAGMAHAL NG BILIHIN

e73eda10-c1ce-4154-8ed0-8b3b3c20da3a.jfif

QUEZON CITY — Hanggang saan kakayanin ng mga Pilipino ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, mabibigat na gastusin at lumalalang kawalan ng katiyakan sa ekonomiya?

Ito ang sinuri sa pag-aaral na “Pinoy, Kaya Pa Ba? Dissecting Filipino Resilience” na inilunsad ng mga communications agency na Organic Intelligence at GUGMA sa B Hotel, Scout Rallos Street, Quezon City, nitong Biyernes, Oktubre 23.

Layunin ng pag-aaral na alamin kung paano naaapektuhan ng matagal na panggigipit sa ekonomiya ang kapakanan, pananaw at kakayahan ng mga ordinaryong Pilipino na makaraos sa araw-araw.

83b0c5ec-8744-47c1-81c3-1f9152dfb5bf.jfif

Inilahad sa pag-aaral ang mga datos hinggil sa kumpiyansa ng mga mamimili, paggasta ng mga sambahayan at mga aktuwal na paraan ng pagtitipid at pagharap sa mga suliraning pinansiyal. Sinundan ito ng talakayan ng mga eksperto at bukas na forum upang suriin kung paano magagamit ang mga natuklasan sa pagbuo ng mas angkop na mga programa at patakaran para sa publiko.

Binigyang-diin ni Shiela Mangila, Group Account Director for Marketing Intelligence ng Organic Intelligence, na dapat singilin ng mga mamamayan ang pamahalaan sa pagtupad nito sa mga responsibilidad sa publiko. Aniya, bilang mga nagbabayad ng buwis, karapatan ng mga Pilipino na hingin ang nararapat na serbisyo at suporta mula sa gobyerno, lalo na sa gitna ng mabibigat na gastusing kinakaharap ng mga pamilya.

fdab458d-d080-4c04-bce1-0987fe9350c7.jfif

Kabilang din sa mga panelist sina Gabby Gorres, Chief Storyteller ng GUGMA PR, at Dr. Jayson Ligot, Group Account Director for Development Communication and Communication Design ng Organic Intelligence.

Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng gastusin at mga hamong pandaigdig, layunin ng pag-aaral na maunawaan kung hanggang saan kayang tiisin ng mga Pilipino ang bigat ng sitwasyon at kung anong mga hakbang ang makatutulong upang mapagaan ang kanilang pang-araw-araw na pasanin.

4059cc6c-37c0-4e76-8e35-858b22e672e2.jfifae986718-d446-4759-b571-528c0951a978.jfif

Facebook Comments