Matapos ang 12 taong pakikipaglaban sa korte, tuluyan nang natanggap ng isang dating overseas Filipino worker (OFW) ang ₱14.3 milyong premyo sa Lotto 6/42 noong Miyerkules, Nobyembre 25, isang araw bago ang kanyang ika-59 na kaarawan.
Personal na iniabot ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Melquiades A. Robles ang tseke kay Antonio F. Mendoza sa punong tanggapan ng ahensya sa Mandaluyong City.
Naging makasaysayan din ang pagtanggap ni Mendoza dahil siya ang kauna-unahang jackpot winner na hayagang nagpakilala sa publiko sa isang pormal na seremonya ng pamamahagi ng premyo.
“Napakasaya. Napakasaya. Kasi maganda ang Pasko namin,” pahayag ni Mendoza na itinuring ang premyo bilang regalo sa kanyang kaarawan at maagang biyaya ng Pasko.
Nagsimula ang kanyang kuwento noong Oktubre 2, 2014, nang manalo ang isa sa tatlong Lucky Pick na tinayaan niya sa Barangay Dacanlao, Calaca, Batangas ng jackpot na ₱12,391,600.
Subalit kinabukasan, nadurog ng kanyang isang taong gulang na apo ang tiket. Lalo pa itong nasira nang aksidenteng mapaitim ng kanyang anak ang sensitibong thermal paper habang sinusubukang plantsahin at patagin ang papel.
Sa kabila nito, naghain si Mendoza ng affidavit sa PCSO at idinaan sa korte ang kanyang paghahabol sa premyo habang patuloy na nagtatrabaho bilang freelance technician sa mga pasilidad ng langis at gas sa Middle East.
Pumabor sa kanya ang Regional Trial Court noong 2019 at Court of Appeals noong 2020.
Noong Marso 2023, iniutos ng Korte Suprema sa PCSO na bayaran ang orihinal na premyong ₱12,391,600, kasama ang anim na porsiyentong taunang legal interest hanggang sa ganap na mabayaran ito, na umabot sa kabuuang ₱14.3 milyon.
Naging pinal ang desisyon noong Abril 2024, habang pinahintulutan naman ng Commission on Audit (COA) ang pagpapalabas ng bayad noong Nobyembre 5, 2026.
Ayon sa PCSO, sinunod nito ang lahat ng proseso at kinakailangan ng COA upang maisakatuparan ang pagbabayad alinsunod sa pinal na desisyon ng mga kinauukulang awtoridad.
Inamin ni Mendoza na dumating siya sa punto ng matinding paghihirap, pagkakautang sa bangko at pagkakasangla ng bahay matapos ang maraming taong pagtatrabaho sa ibang bansa.
Plano niyang gamitin ang napanalunan bilang retirement fund at puhunan sa maliit na negosyo ng pagbili at pagbebenta ng mga sasakyan at pagkukumpuni ng mga ito.
Binigyang-diin naman ni Robles na tinupad lamang ng PCSO ang tungkulin nitong bayaran ang lehitimong premyo matapos ang desisyon ng Korte Suprema at pahintulot ng COA.
Pinayuhan din niya ang mga tumataya sa lotto na ingatan ang kanilang mga tiket at ilayo ang mga ito sa init at iba pang bagay na maaaring makasira rito.
Sa kabila ng 12 taong paghihintay, sinabi ni Mendoza na hindi siya tumigil sa pagtaya sa lotto at hinikayat ang publiko na patuloy na subukan ang kanilang kapalaran.
“Totoo po itong Lotto. Tumaya lang kayo, baka kayo na ang susunod na milyonaryo,” aniya.