Nanawagan ang Social Watch Philippines–Alternative Budget Initiative (SWP-ABI) sa Senado na repasuhin ang mga kuwestiyonableng alokasyon sa panukalang ₱7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027 at ilipat ang ₱439.9 bilyon sa mahahalagang serbisyong publiko.
Kasunod ito ng planong pagbabawas ng Senado sa pondo para sa mga multipurpose building at programang nagbibigay ng tulong-pinansiyal.
Bagama’t ikinatuwa ng grupo ang hakbang, iginiit ni SWP Co-convenor Dr. Ma. Victoria Raquiza na kailangan pang suriin ang iba pang alokasyon na posibleng magamit sa pag-uulit ng mga programa, pamumulitika at mga gastusing walang malinaw na pamantayan.
Kabilang sa mga nais repasuhin o alisin ang ₱221.07 bilyon para sa Basic Infrastructure Program ng Department of Public Works and Highways (DPWH); ₱90.8 bilyong dagdag na pondo sa AICS, TUPAD, PAFF, MAIFIP, Tulong Dunong, TWSP at STEP; at ₱61.62 bilyon para sa Local Government Support Fund.
Iminungkahi ng SWP-ABI na ibalik sa orihinal na antas sa National Expenditure Program (NEP) ang mga dagdag na pondo sa mga programa ng tulong, at ilipat ang buong alokasyon para sa MAIFIP/MAP sa PhilHealth. Nais din nitong palitan ang LGSF ng pondong may malinaw na pamantayan at panatilihin lamang ang ₱1 bilyon para sa Support and Assistance Fund to Participatory Budgeting.
Kasama rin sa mga pinasusuri ang ₱6.92 bilyon para sa Disaster Risk Reduction Assistance Program, ₱50 bilyon para sa AFP Modernization Program Fund, ₱5 bilyong dagdag na institutional funds ng Kamara at ₱4.49 bilyon para sa confidential at intelligence expenses.
Iminungkahi rin ng grupo na higpitan ang paggamit ng confidential funds ng mga sibilyang ahensiya.
Ayon sa SWP-ABI, maaaring gamitin ang matitipid na pondo upang tustusan ang kanilang ₱320.047 bilyong alternatibong panukalang badyet nang hindi dinaragdagan ang kabuuang pambansang badyet.
Kabilang dito ang ₱122.414 bilyon para sa edukasyon, kasama ang school feeding, early childhood care at special hardship allowance ng mga guro; ₱12.466 bilyon para sa proteksiyon ng mga bata; ₱170 bilyon para sa PhilHealth; ₱2.02 bilyon para sa health promotion; at ₱4.86 bilyon para sa family health, immunization, nutrition at responsible parenting.
Iminungkahi rin ang ₱8.287 bilyon para sa ₱2,000 buwanang disability support allowance ng 345,305 persons with severe functioning difficulties.
Nais din ng grupo na kilalanin sa General Appropriations Act ang Filipino Sign Language at mga karapatan ng Deaf community sa pamamagitan ng isang probisyon, nang hindi nangangailangan ng karagdagang pondo.
Bagama’t hindi bahagi ng kanilang alternatibong badyet, nanawagan din ang SWP-ABI na ibalik ang ₱130 bilyong pondo para sa Metro Manila Subway at North-South Commuter Railway upang maiwasan ang pagkaantala ng mga proyekto, pagtaas ng gastos at paghina ng pagpapabuti sa pampublikong transportasyon.
Samantala, pinuna ni Atty. Paula Mae Tanquieng ng Ayos na Gamot sa Abot Kayang Presyo (AGAP) ang patuloy na kakulangan ng pondo para sa Universal Health Care (UHC), sa kabila ng pangako ng Kongreso na bibigyang-prayoridad ang kalusugan.
Ayon kay Tanquieng, paulit-ulit na binabawasan ang hinihinging pondo ng PhilHealth para mapalawak ang mga benepisyo nito. Noong 2025, wala itong natanggap na alokasyon kahit humiling ng ₱172.1 bilyon.
Dagdag pa rito, inilipat ng pamahalaan ang ₱60 bilyon mula sa pondo ng PhilHealth para sa mga proyektong pang-imprastraktura, na kalaunan ay idineklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema.
Hindi rin umano nailalabas ang kabuuang ₱311 bilyong nakalaang pondo para sa kalusugan mula sa sin taxes, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Dahil dito, napipilitang umasa ang mga pasyenteng walang kakayahang magbayad sa medical assistance at Guarantee Letters na nakukuha sa tulong ng mga mambabatas, sa halip na makinabang sa sapat at maayos na serbisyong pangkalusugan.
Binigyang-diin ni Tanquieng na palaging nadaragdagan ang pondo para sa MAIFIP ngunit hindi naibibigay nang buo ang kinakailangang badyet ng PhilHealth.
Ikinatuwa niya ang pagdaragdag ng Senado sa pondo ng PhilHealth at pagbabawas sa alokasyon ng MAIFIP.
Umaasa siyang paninindigan ng Senado ang desisyon hanggang sa bicameral conference committee at pupunan ang kakulangan sa pondo upang maisakatuparan ang tunay na Universal Health Care.