May kabuuang P2.08- Milyong pisong natapos ng post-harvest facilities ng Department of Agrarian Reform o DAR ang pinakikinabangan na ngayon ng mga magsasakang benepisyaryo sa lalawigan ng Isabela.

Sa ginanap na turn-over ceremony, sinabi ni DAR-Region 2 Director Atty. Marjorie P. Ayson na direktang nakikinabang rito ang mga miyembro ng Mapalad-Bautista-San Antonio-Sto. Nino Marketing Cooperative sa bayan ng San Agustin sa naturang lalawigan.

Sinabi pa ni Director Ayson na ang lawak na 72 metro-kwadradong bodega ay kayang tumanggap ng 5,000 kaban ng bigas at ang 450 metro-kwadradong solar dryer naman ay maaring gamitin ng 187 miyembro ng kooperatiba.

Ang naturang proyekto ay ipinatupad sa ilalim ng Agrarian Reform Infrastructure Support Project III ng DAR na pinondohan naman ng Japan Banking International Cooperation at sa pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan ng San Agustin na layong mai-angat ang kalidad at kabuhayan ng mga magsasakang benepisyaryo sa nasabing kumunidad. (jnormt)